MANILA, Philippines – Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga rehistradong botante laban sa kumakalat na pekeng impormasyon sa social media tungkol sa umano’y ayuda na ibinibigay ng komisyon.
Partikular na itinanggi ng Comelec ang isang video mula sa Facebook account na Cres Jhoerax Vlog, na gumagamit umano ng artificial intelligence o deepfake upang magmukhang totoo ang pekeng anunsyo tungkol sa P1,200 na ayuda para sa mga rehistradong botante.
Nilinaw ng komisyon na walang ipinagkakaloob na ayuda o anumang insentibong pinansiyal kapalit ng pagpaparehistro bilang botante.
Ayon pa sa Comelec, libre ang pagpaparehistro at walang kailangang bayaran upang makaboto.
Binigyang-diin ng komisyon na posibleng phishing scam ang naturang pekeng anunsyo na gumagamit sa pangalan ng Comelec upang makuha ang sensitibong personal na impormasyon ng publiko.
Pinayuhan ang mga botante na huwag mag-click ng mga kahina-hinalang link mula sa text message o email at huwag ibigay kaninuman ang kanilang one-time password o OTP, password at PIN.
Hinikayat din ang publiko na huwag maniwala sa mga post na nangangako ng pera kapalit ng pagpaparehistro bilang botante.
Pinayuhan ang lahat na kumuha lamang ng impormasyon tungkol sa halalan sa opisyal na website na www.comelec.gov.ph at sa mga opisyal na social media account ng komisyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden