MANILA, Philippines – “Masaya ako para sa mga taga-Maynila.”
Ito ang sambit ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso makaraang magpahayag ng pagkabilib sa kanya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan pabiro pa itong inalok na siya na lang dapat ang mamuno sa housing projects ng national government para mabilis itong maipatupad.
Ayon naman kay Domagoso patungkol sa pabirong alok ni PBBM, wala umano itong plano na tumanggap ng anumang posisyon sa pambansang pamahalaan dahil nakatuon na siya sa pagpapaunlad at pagpapanumbalik sa kadakilaan ng kapitolyo ng bansa.
Ang nasabing pabirong pahayag ng Pangulo kay Yorme ay kasabay ng pagdalo ni Pang. Marcos Jr. sa ginanap na inagurasyon ng 20-palapag na San Lazaro Residences sa Sta Cruz na isang in-city vertical housing project na isa sa mga ipinatayo ni Yorme Isko para sa pabahay ng mga kuwalipikadong benepisyaryo sa Maynila.
Nauna ng iprinisinta ni Mayor Isko kay Pangulong BBM noong nakaraang buwan ang konsepto ng kanyang 10-year development plan para sa Maynila, kabilang na rito ang pagtatayo pa ng mga in-city vertical housing projects tulad ng Binondominum 2 na karagdagang housing project para sa mga walang permanenteng tirahang residente ng Binondo.
Pinasalamatan naman ni Yorme si PBBM dahil sa paghanga nito sa kanyang mga naisakatuparang proyekto sa loob lamang ng tatlong taon noong una siyang maupo bilang alkalde.
Matatandaan na una nang tiniyak ni Yorme Isko na kung papalarin at patuloy na pagtitiwalaan at susuportahan ng mga Manilenyo, tatapusin niya ang tatlong termino niya sa panunungkulan upang maisakatuparan ang 10-year development plan na inilatag na niya sa Pangulong BBM. JAY Reyes