Home HOME BANNER STORY 9.8 milyong pamilyang Pinoy, nagsabing pobre sila — OCTA

9.8 milyong pamilyang Pinoy, nagsabing pobre sila — OCTA

7
0

MANILA, Philippines – Tinatayang 9.8 milyong pamilyang Pilipino ang nagsabing mahirap sila sa ikatlong quarter ng 2026, habang 5.8 milyong pamilya naman ang nakaranas ng gutom, batay sa pinakahuling survey ng OCTA Research.

Sa inilabas na resulta ng Tugon ng Masa survey nitong Miyerkules, Nobyembre 25, umabot sa 37% ng mga respondent ang nagsabing mahirap ang kanilang pamilya.

Bahagya itong mas mababa sa 39% o tinatayang 10.3 milyong pamilya noong ikalawang quarter ng taon.

Gayunman, nilinaw ng OCTA na hindi maituturing na makabuluhang pagbaba ang dalawang percentage point na pagkakaiba dahil pasok ito sa tatlong percentage point na margin of error ng survey.

Lumabas din na 22% o humigit-kumulang 5.8 milyong pamilya ang nakaranas ng gutom kahit isang beses sa nakalipas na tatlong buwan.

Halos kapareho ito ng 21% o 5.6 milyong pamilya noong nakaraang quarter.

Sa mga pamilyang nakaranas ng gutom, 83% ang nagsabing nangyari ito nang isang beses o ilang ulit lamang.

Pinakamataas ang self-rated poverty sa Mindanao, kung saan 56% ng mga respondent ang nagsabing mahirap sila.

Sinundan ito ng Visayas na may 49%, Balance Luzon na may 26%, at Metro Manila na may 20%.

Samantala, parehong nagtala ang Metro Manila at Visayas ng pinakamataas na insidente ng gutom sa 29%.

Sa pinakamababang socioeconomic class o Class E, halos kalahati o 49% ang nagsabing nakaranas ng gutom.

Naitala rin sa 27% o humigit-kumulang 7.1 milyong pamilya ang self-rated food poverty, na tumutukoy sa mga pamilyang nahihirapang magkaroon ng sapat at masustansiyang pagkain.

Isinagawa ang survey mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 4, 2026, sa pamamagitan ng personal na panayam sa 1,200 adult respondent sa buong bansa.

Mayroon itong national margin of error na ±3 percentage points sa 95% confidence level. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here