MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., arawa ng Huwebesang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong talagang opisyal ng Korte Suprema (SC) at ng Tanggapan ng Ombudsman.
Nanumpa kay Marcos si Gamaliel Cordoba, ang bagong talagang Associate Justice ng Korte Suprema, sa isang seremonya na ginanap sa Palasyo ng Malakanyang sa Maynila.
Sa hiwalay na seremonya, pinangunahan naman ni Pangulong Marcos ang panunumpa ni Nicholas Felix Ty bilang bagong Deputy Ombudsman for Luzon.
Si Cordoba, na dating pinuno ng Commission on Audit (COA), ang pumalit kay Associate Justice Amy Lazaro-Javier na nagretiro noong Nobyembre 16.
Unang inanunsyo ng Malakanyang ang pagkakatalaga kay Cordoba sa Korte Suprema noong Nobyembre 13.
Samantala, dating nagsilbi si Ty bilang Assistant Secretary ng Department of Justice (DOJ) mula 2020 hanggang 2022 bago naitaas sa posisyong Undersecretary.
Sa kanyang panunungkulan sa DOJ, pinangasiwaan niya ang iba’t ibang larangan ng trabaho, kabilang ang Inter-Agency Council Against Trafficking, Anti-Terrorism Council, mga programa para sa sektor ng hustisya, at mga hakbang laban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Bilang Deputy Ombudsman for Luzon, tutulong si Ty sa pangangasiwa ng imbestigasyon at pagsasampa ng mga kaso laban sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan na nahaharap sa mga reklamong administratibo at kriminal sa loob ng kanyang nasasakupan. (KRIS JOSE)