Home HOME BANNER STORY Pagsuko sa mga taong akusado sa ICC, ‘di usapin ng soberanya –...

Pagsuko sa mga taong akusado sa ICC, ‘di usapin ng soberanya – Malakanyang

1
0

MANILA, Philippines – Hindi usapin ng soberanya ang pagsuko sa International Criminal Court (ICC) ng isang taong inaakusahan ng krimen.

Ito ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro; kasunod ng sinabi ni Vice President Sara Duterte na mas mataas ang soberanya ng Pilipinas kaysa sa alinmang dayuhang hukuman o bansa.

Ito’y matapos ibasura ng Korte Suprema (SC) ang mga petisyong kumukuwestiyon sa pag-aresto sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte, na nahaharap sa mga kasong crimes against humanity o mga krimen laban sa sangkatauhan sa ICC.

Ani Castro, maaaring isuko ng pamahalaan ang sinumang akusado sa isang pandaigdigang tribunal alinsunod sa Republic Act (RA) 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity.

Ang batas na ito ay nagtatakda ng mga probisyon laban sa mga krimen na lumalabag sa pandaigdigang makataong batas, genocide, at iba pang krimen laban sa sangkatauhan.

“Ito (RA 9851) ay napirmahan noong December 11, 2009 at noong ito ay naging batas ay wala tayong anumang kwestiyon sa nasabing batas, kung isu-surrender man ang sinuman sa international tribunal, hindi pinag-uusapan ang sovereignty,” ang winika ni Castro.

Kung tanggap natin ang RA 9851 at tayo ay dating miyembro ng ICC, hindi pinag-uusapan ang soberanya dahil tayo po mismo ay naging miyembro, voluntary naging miyembro at gumawa tayo ng batas RA 9851,” aniya pa rin.

Nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30 ang paglilitis sa dating pangulo, na ang kampanya laban sa ilegal na droga ay nagresulta sa pagkamatay ng libo-libong tao.

“Walang basehan, walang kuwenta, huwag ng pag-aksayahan ng oras,” ani Castro.

Sa ulat, nagkawatak-watak ang tambalan nina Pangulong Marcos at VP Sara na tinawag na UniTeam noong panahon ng kanilang halalan, dahil sa pagkakaiba ng kanilang mga paninindigan at polisiya. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here