Home NATIONWIDE PBBM matapos mapabilang ng NAIA sa listahan ng TIME sa mga pinakamahusay...

PBBM matapos mapabilang ng NAIA sa listahan ng TIME sa mga pinakamahusay na paliparan: Malayo na ang narating natin!

1
0

MANILA, Philippines – Labis na ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkakasama ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa kauna-unahang listahan ng mga pinakamahusay na paliparan sa buong mundo na inilabas ng TIME Magazine.

“To share an update worth celebrating, we are delighted that the rehabilitated and modernized NAIA, the country’s major gateway to Metro Manila, was recently included in TIME Magazine’s World’s Best Major Airports of 2027,” ayon sa Pangulo sa isinagawang pagbubukas ng Mandarin Oriental Makati.

“We’ve come a long way since it was the world’s worst airport,” dagdag na wika ng Pangulo.

Dahil dito, umaasa ang Pangulo na mapananatili ang positibong momentum sa gitna ng mga pagsisikap na isinasagawa para sa modernisasyon at rehabilitasyon ng pangunahing paliparan ng bansa.

“So, let’s therefore build on that momentum, make the Philippines a more attractive destination in the region and beyond,” anito.

Sa ulat, nasa ika-47 puwesto ang NAIA sa unang edisyon ng naturang listahan, na may markang 76.46. Itinuturing itong pag-unlad matapos itong mapasama sa mga listahan ng pinakamasasamang paliparan sa buong mundo sa iba’t ibang ranggo noong mga nakaraang taon.

Ayon sa TIME Magazine, ipinapakita ng mga ranggo ang mga paliparan na “excel in passenger experience and operational performance based on consumer surveys conducted in the past three years.”

Sumasailalim ang NAIA sa malawakang pagsasaayos at pagpapalawak upang mapataas ang taunang kapasidad nito sa 62 milyong pasahero pagsapit ng 2028.

Sinasabing malaking pag-angat ito mula sa 52 milyong pasaherong naitala noong 2025, gayong ang paliparan ay orihinal na idinisenyo lamang upang magsilbi sa 35 milyong pasahero.

Samantala, binigyang-diin din ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng industriya ng hotel sa pagpapalakas ng turismo sa bansa at pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa kabuhayan para sa mga Pilipino.

“Ang bawat bagong hotel na nagbubukas sa ating bansa ay nagbibigay ng bagong trabaho para sa ating mga kababayan—mula sa mga namamahala sa hotel at mga nagtatrabaho sa front desk hanggang sa mga nasa kusina, housekeeping, nasa maintenance,” ani Pangulong Marcos.

“Habang lumalago ang ating turismo, mas maraming Pilipino rin ang nagkakaroon ng pagkakataong makahanap ng magandang trabaho dito mismo sa ating bansa,” aniya pa rin.

Gayunpaman, lumiit at humina ang bahagi ng turismo sa ekonomiya ng Pilipinas, batay sa gross domestic product (GDP), noong 2025. Ito ay bunsod ng paghina ng paggastos ng mga dayuhang turista na nakaapekto sa sektor, sa kabila ng pagtaas ng gastusin ng mga lokal na biyahero at paglakas ng bilang ng mga manggagawang may kaugnayan sa turismo.

Dagdag pa rito, sinabi ni Pangulong Marcos na layunin ng bansa na makahikayat ng mas maraming turista na bumisita sa Pilipinas.

“Filipino service is recognized for its excellence around the world. Our goal is to have more visitors experience it firsthand right here in the Philippines,” ang tinuran ng Pangulo.

“And to make this possible, we continue to improve connectivity and infrastructure, strengthen our investment environment, and work with industry partners to raise the quality of our tourism offerings,” dagdag na wika nito. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here