Home NATIONWIDE Bagong Baclaran Multimodal, Market Hub, sisilong sa 3,500 vendor

Bagong Baclaran Multimodal, Market Hub, sisilong sa 3,500 vendor

1
0

PARAÑAQUE CITY, Philippines — Pormal nang sinimulan ng Pamahalaang Lungsod ng Parañaque, sa buong suporta ng pambansang pamahalaan sa ilalim ng adminstrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang konstruksyon ng Bagong Baclaran Multimodal and Market Hub (BBMMH), na magsisilbing permanenteng lugar para sa libu-libong vendor na nagtitinda sa mga lansangan ng Baclaran.

Pinangunahan ni City Mayor Edwin L. Olivarez ang groundbreaking ceremony nitong Huwebes, kasama ang mga opisyal ng pambansang pamahalaan at karatig-lungsod na Pasay.

Kasabay nito, nilagdaan din ang isang memorandum of agreement (MOA) para sa pagtatayo ng BBMH nina Olivarez, Philippine Reclamation Authority (PRA) Chairman Alexander Lopez, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes, at Pasay City Mayor Imelda “Emi” Calixto-Rubiano.

Ang BBMH, na nagmula sa konsepto ni Olivarez, ay itatayo sa malaking bahagi ng reclaimed area sa kahabaan ng daluyan ng tubig na nasa tapat ng Redemptorist Church sa Barangay Baclaran kung saan aabot din ito pahilaga hanggang sa bahagi ng Barangay 76 na nasasakupan ng Lungsod ng Pasay.

Sa ilalim ng memorandum of agreement, mananatili sa PRA ang pagmamay-ari ng lupain ngunit ipagkakaloob nito sa Pamahalaang Lungsod ng Parañaque ang karapatang gamitin ang lugar sa loob ng 25 taon, na maaari pang i-renew ng lungsod.

Sinabi naman ni MMDA Chairman Artes na ang kanilang ahensya ang mangunguna sa konstruksyon, pagkukumpuni o rehabilitasyon ng BBMH gayundin ang pagpapanatili sa maayos na kondisyon ng gusali at daluyan ng tubig kung saan inaasahan na matatapos ang unang parte ng konstruksyon bago matapos ang taong 2027.

Dagdag pa ni Artes na naglaan na rin ang MMDA ng mahigit ₱814.7 milyon para sa unang yugto ng konstruksyon, habang nagtabi naman ang lokal na pamahalaan ng Parañaque ng karagdagang ₱200 milyon bilang suporta sa proyekto.

Inaasahang magkakaroon ang gusali ng mga pasilidad para sa pamilihan, paradahan, suporta sa pampublikong transportasyon, kaligtasan at seguridad ng publiko, mga tanggapang administratibo at pamamahala, mga puwesto ng Kadiwa, mga elevated walkway, sewage treatment plant at material recovery facility, bukod sa iba pa.

Ayon kay Olivarez, layunin din ng pagtatayo ng BBMH na mapabuti ang daloy ng trapiko, kaayusan at kalinisan sa Baclaran, na tinaguriang puso at kaluluwa ng Parañaque dahil dito matatagpuan ang imahen ng Mahal na Birhen ng Laging Saklolo (Our Lady of Perpetual Help).

Kasabay nito, bibigyang-pansin din ng proyekto ang kapakanan ng mga aabot sa 3,500 na nakarehistrong vendors sa pagitan ng dalawang nabanggit na lungsod upang maipagpatuloy nila ang kanilang kabuhayan.

“Sama-sama po nating itaguyod ang isang Baclaran na organisado, ligtas, masigla, at isang mas maunlad na kinakabukasan para sa lahat,” dagdag pa ni Olivarez. James I. Catapusan/larawan kuha ni Eric Ocapan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here