MANILA, Philippines – Serbisyo para sa mga Filipino seafarer ang unang tinutukan ni bagong Maritime Industry Authority (MARINA) Administrator at Undersecretary for Maritime Markus V. Lacanilao sa pagsisimula ng kanyang panunungkulan.
Personal na inikot ni Lacanilao nitong umaga ang MARINA Central Office upang inspeksiyunin ang operasyon ng mga tanggapang nangangasiwa sa frontline services, kabilang ang pagproseso ng mga dokumento, aplikasyon, lisensya at iba pang transaksyon ng mga marino.
Ayon kay Lacanilao, malinaw ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na pagbutihin pa ang serbisyo para sa mga seafarer.
Sinuri rin niya ang daloy ng mga transaksyon at kung paano naihahatid ng mga tauhan ng ahensya ang serbisyo sa kanilang mga kliyente upang matukoy ang mga prosesong maaari pang mapahusay.
Mahalaga ang mga serbisyong ito sa libo-libong Filipino seafarer na umaasa sa mabilis at maayos na pagproseso ng kanilang mga dokumento at iba pang pangangailangan upang makapagtrabaho sa lokal at pandaigdigang maritime industry.
Pormal na nanumpa si Lacanilao bilang MARINA Administrator noong Nobyembre 25, 2026.
Inaasahang tututukan niya ang pagpapahusay ng serbisyo publiko, pagpapalakas ng pamamahala sa maritime sector at pagsusulong ng mga programang susuporta sa mga Filipino seafarer at sa pag-unlad ng maritime industry ng bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden