MANILA, Philippines – Itinuturing nang naisumite sa deliberasyon sa plenaryo ang mga panukalang 2027 budgets ng Philippine Competition Commission (PCC), Anti-Red Tape Authority (ARTA), at Philippine Postal Corporation (PhilPost), na isinponsor ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan.
Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan nakatakdang simulan ang deliberasyon sa plenaryo ng naturang badyet na inaasahang makapagbibigay ng mas mahusay na serbisyo at patas na pamilihan sa susunod na taon.
Isinusulong ni Pangilinan ang panukalang pondo ng naturang ahensya upang protektahan ang konsyumer at negosyo laban sa hindi patas na gawi sa merkado, bawasan ang bureaucratic red tape, at palakasin ang mahahalagang serbisyong publiko.
Ang panukalang ₱877.759-milyong budget para sa PCC ay may kasamang karagdagang ₱70.541 milyon kumpara sa bersyon ng Kamara.
Binanggit ni Pangilinan ang papel ng komisyon sa mga imbestigasyon na may kinalaman sa agricultural smuggling at economic sabotage, gayundin ang desisyon nito laban sa onion cartel, na nagresulta sa pinagsamang multa na humigit-kumulang ₱1.76 bilyon — ang pinakamalaking multa na ipinataw ng PCC sa ilalim ng Philippine Competition Act, ayon sa resolusyon nito noong Mayo 28, 2026.
Kabilang sa panukalang budget ang ₱11.401 milyon upang palakasin ang legal, economic, at technical capabilities ng PCC para sa mga imbestigasyon at pagpapatupad ng batas; ₱11.586 milyon para sa Regional Investigation and Collaboration Stations nito sa Baguio, Legazpi, Cebu, at Davao; at ₱12.2 milyon para sa mga pagpapabuti sa information technology systems at equipment nito.
Sinabi ni Pangilinan na ang pagpapalakas sa regional presence ng PCC ay makatutulong upang matiyak na ang proteksyon laban sa mga mapang-abusong gawi sa merkado ay mararamdaman kahit sa labas ng Metro Manila.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagsuporta sa gawain ng komisyon upang itaguyod ang patas na kompetisyon, protektahan ang mga konsyumer, at pigilan ang mga kartel na manipulahin ang mga presyo.
“Ang nais natin ay makatarungang presyo para sa ating mga magsasaka at mangingisda, patas na kompetisyon para sa mga maliliit na negosyante, at abot-kayang bilihin para sa bawat pamilyang Pilipino,” sabi ni Pangilinan.
Samantala, isinponsor ni Pangilinan ang panukalang ₱594.18-milyong budget para sa ARTA, na kinabibilangan ng buong ₱178.855-milyong karagdagang pondo na hiningi ng ahensya.
Ang karagdagang alokasyon ay layong palakasin ang kakayahan ng ARTA na pasimplehin ang mga transaksyon sa gobyerno at tugunan ang mga reklamo tungkol sa mabagal at hindi mahusay na serbisyong publiko.
Itinuro ni Pangilinan na ang mahahabang pila, paulit-ulit na documentary requirements, at maraming biyahe sa mga tanggapan ng gobyerno ay nagkakahalaga sa mga ordinaryong Pilipino ng mahalagang oras, kita, at mga oportunidad.
Binigyang-diin niya na ang gawain ng ARTA ay nakikinabang hindi lamang sa mga negosyo at mamumuhunan kundi pati sa mga manggagawang nagke-claim ng benepisyo, mga motoristang nagre-renew ng kanilang mga lisensya at rehistro ng sasakyan, at mga pamilyang kumukuha ng birth certificates, passports, at land titles.
Bahagi ng karagdagang pondo ay mapupunta rin sa pagpapalakas sa mga regional field offices ng ARTA, na magbibigay-daan sa mga magsasaka, mangingisda, maliliit na may-ari ng negosyo, at mga pamilya sa mga probinsya na ma-access ang mga serbisyo ng gobyerno nang hindi na kailangang bumiyahe pa sa Maynila o lumapit sa mga fixer.
Sinabi ni Pangilinan na ang pondo ay dapat magresulta sa mas kaunting requirements, mas mabilis na transaksyon, mas mabilis na pagresolba ng mga reklamo, at mas malaking pananagutan sa mga ahensya ng gobyerno.
“Ang gobyerno ay dapat maging katuwang, hindi nagpapahirap, sa buhay at paghahanapbuhay ng ating mga kababayan,” aniya.
Ang panukalang ₱1.24-bilyong budget para sa PhilPost, samantala, ay kinabibilangan ng ₱875 milyon para sa rehabilitasyon ng ikalawa hanggang ikalimang palapag at roof deck ng Manila Central Post Office, na natupok ng sunog noong 2023.
Sinabi ni Pangilinan na ang pondo ay makatutulong upang mapanatili ang mahahalagang serbisyo ng PhilPost, kabilang ang paghahatid ng mga court notices, election-related communications, government correspondence, mga sulat, at mga parcel.
Noong Disyembre 2024, ang PhilPost ay may workforce na mahigit 6,000, kabilang ang mahigit 3,000 contract-of-service workers.
Inilarawan ng senador ang restoration ng Manila Central Post Office bilang isang pamumuhunan sa pambansang pamana ng bansa at sa patuloy na paghahatid ng mga serbisyong postal.
Binigyang-diin din niya ang patuloy na halaga ng tradisyunal na correspondence sa isang lalong digital na mundo.
“In this age of A.I. and deep fakes, tangible correspondence may find renewed meaning,” sabi ni Pangilinan, at idinagdag na ang isang pisikal na sulat ay may personal at pangmatagalang dating na hindi kayang gayahin ng mga digital na mensahe.
Sinabi ni Pangilinan na ang pinakalayunin ng pagpapalakas sa mga ahensyang ito ay tiyakin ang mas maaasahang serbisyong publiko, mas patas na mga gawi sa negosyo, at abot-kayang bilihin para sa mga pamilyang Pilipino. Ernie Reyes