Home NATIONWIDE Early childhood development, pundasyon ng malusog, maunlad na kinabukasan ng mga batang...

Early childhood development, pundasyon ng malusog, maunlad na kinabukasan ng mga batang pinoy – PBBM

1
0

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng mga programang naglalayong isulong ang nutrisyon ng kabataang Pilipino na sinimulan sa ilalim ng Philippine Multi-Sectoral Nutrition Project na nagtapos matapos ang apat na taong implementasyon.

Sa ginanap na Alagang Pinas Summit 2026, binigyang-diin ng Pangulo na mahalagang mabigyan ng wastong nutrisyon at pangangalaga ang mga bata lalo na sa unang 1,000 days ng kanilang buhay, mula sa pagbubuntis hanggang sa kanilang ikalawang kaarawan.

Sa panahong ito aniya, mahalagang matiyak na may sapat na pagkain, serbisyong pangkalusugan, malinis na tubig, maayos na sanitasyon at agarang suporta ang bawat pamilya.

Binigyang-pansin din ng Pangulo ang patuloy na problema ng malnutrisyon sa bansa.

At bilang tugon, isinusulong ng pamahalaan ang pinagsama-samang pagkilos ng national at local government, mga katuwang na organisasyon at mga komunidad.

Kinilala rin ng Pangulo ang mahalagang papel ng mga barangay health workers, nutrition scholars, at iba pang volunteers na direktang nakikipag-ugnayan sa mga pamilya.

“As of September 30, umabot na sa 6.17 million beneficiaries ang natulungan sa 235 na municipalities; naitala at nabigyan ng serbisyo ang humigit-kumulang 549,000 na batang wala pang limang taong gulang; at mayroon ng 134 na munisipyo ang nakapagtala ng makabuluhang pag-baba ng kaso ng stunting o pagkabansot matapos ang dalawang taon ng pagpapatupad ng mga programang pangnutrisyon,” ang sinabi ng Chief Executive.

Sinabi naman ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na malinaw para kay Pangulong Marcos na ang wastong nutrisyon ay hindi lang responsibilidad ng isang ahensiya o proyekto. Isa aniya itong pangmatagalang tungkulin ng buong pamahalaan at lipunan.

“Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na serbisyo, pagtutulungan, at suporta sa mga komunidad, masisiguro ang malusog na paglaki ng bawat batang Pilipino at ang mas maunlad na kinabukasan ng bansa,” ang tinuran ni Castro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here