MANILA, Philippines — Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang dalawang kargamento mula Thailand na naglalaman ng mahigit 307 kilo ng high-grade marijuana o kush na nagkakahalaga ng tinatayang ₱369.44 milyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa BOC, natuklasan ang ilegal na droga sa operasyong isinagawa noong Nobyembre 23, 2026.
Nakatakda sanang ipadala ang mga kargamento sa mga consignee sa Bulacan at Caloocan City.
Idineklara ang mga padala bilang truck side mirrors at iba’t ibang plastik na laruan para sa mga bata upang maitago ang tunay na laman nito.
Gayunman, na-flag ang mga shipment matapos makatanggap ng impormasyon ang BOC mula sa Thailand Customs at magsagawa ng cargo profiling.
Nakitaan din ng kahina-hinalang imahe ang mga kargamento sa X-ray screening, dahilan upang magsagawa ng K9 inspection ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa isinagawang pisikal na pagsusuri, natagpuan ang 307.866 kilo ng marijuana na nakatago sa kabuuang 164 na kahon.
Patuloy ang pagsisiyasat ng mga awtoridad upang matukoy ang mga indibidwal na responsable sa pagpapadala at tangkang pagpupuslit ng ilegal na droga sa bansa. Dave Medina