CALAMBA CITY, Laguna — Patay ang isang 15-anyos na Grade 10 student matapos pagsasaksakin ng kapwa niya binatilyo gamit ang ice pick kasunod ng umano’y panunukso sa Barangay 2, Calamba City, Laguna.
Batay sa imbestigasyon ng Calamba City Police, naganap ang insidente sa harap ng isang tindahan dakong alas-10:30 ng gabi noong Nobyembre 18.
Ayon kay Police Lieutenant Andrew Cyruz Parafina, chief investigator ng Calamba City Police, nagkaroon ng pagtatalo ang dalawang 15-anyos matapos umanong asarin ng biktima ang suspek.
Nabatid na nagbiro umano ang biktima na hindi na probinsyano ang suspek matapos itong magsimba sa Maynila at naging city boy na.
Nauwi sa mainitang pagtatalo ang panunukso hanggang sa mamagitan ang ilang indibidwal upang paghiwalayin ang dalawa.
Gayunman, sinabi ng pulisya na may naging papel umano ang ama ng suspek sa muling paglala ng komprontasyon.
Batay sa paunang imbestigasyon, kinompronta umano ng ama ang mga naroon matapos isipin na pinagtutulungan ang kanyang anak.
Kasunod nito, sinaksak umano ng binatilyo ang biktima gamit ang ice pick.
Nagtamo ng maraming saksak sa dibdib at likod ang Grade 10 student.
Isinugod siya sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Matapos ang insidente, tumakas ang suspek kasama ang kanyang ama.
Kinabukasan, isinuko ng ina ang 15-anyos sa mga awtoridad upang harapin ang kaukulang proseso.
Ayon sa pulisya, inihain ang reklamong homicide kaugnay ng insidente, kabilang ang laban sa ama ng suspek dahil sa umano’y naging papel nito sa pangyayari.
Nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang binatilyong itinuturong nanaksak bilang child in conflict with the law.
Samantala, patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang ama ng suspek.
Nanawagan ng hustisya ang pamilya ng biktima, na nagsabing labis silang nasaktan sa pagkamatay ng kanilang bunsong anak.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at ang pananagutan ng mga sangkot. Mary Anne Sapico