MANILA, Philippines – Malapit nang makumpleto ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang pagbibigay ng medical transport support sa buong bansa matapos nitong ipamahagi ang 10 karagdagang Patient Transport Vehicles (PTVs) noong Biyernes, Nobyembre 28, sa kanilang Main Office sa Mandaluyong City.
Ayon sa PCSO, bahagi ito ng pinabilis na pagpapatupad ng Medical Transport Vehicle Donation Program (MTVDP), alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos na mabigyan ng sariling patient transport unit ang lahat ng probinsya, lungsod, at munisipalidad upang palakasin ang access sa emergency medical care.
Ang bawat PTV ay may kasamang mahahalagang gamit pang-emerhensiya tulad ng stretcher, oxygen tank, wheelchair, first-aid kit, blood pressure monitor, at medicine cabinet para matiyak ang ligtas at mabilis na paglipat ng mga pasyente sa mga ospital at rural health units.
Pinangunahan ng PCSO General Manager at iba pang opisyal ang seremonyal na turnover sa mga lokal na opisyal mula sa San Pedro City, Calapan City, Legazpi City, Ilagan City, Malolos City, Muñoz City, San Jose City, Olongapo City, Iriga City, at Angeles City.
Nabanggit ng PCSO na noong maupo si Pangulong Marcos noong 2022, nasa 680 PTVs na ang naipamigay sa buong bansa. Pinabilis pa ito ng ahensya noong 2025 kaya nakapagtala ng ilang mahahalagang milestone.
Noong Nobyembre 25, nag-turnover sila ng 82 PTVs sa Bacolod City, na nagdala sa 98% ng national coverage. Sa karagdagang 10 unit ngayon, umabot na sa 1,630 PTVs ang naipamahagi, katumbas ng 99% coverage sa kabuuang 1,642 LGUs sa bansa.
Ayon sa PCSO, ipinapakita ng patuloy na pamamahagi ng PTVs ang kanilang pangakong matiyak na ang lahat ng komunidad—mula lungsod hanggang malalayong lugar—ay may maaasahang transport support sa oras ng medikal na emerhensiya.
Para sa 2025, naglaan ang PCSO ng P1 bilyon para sa pagbili ng 395 karagdagang PTVs. Layunin ng ahensya na makumpleto ang distribusyon sa lahat ng natitirang LGUs at makamit ang 100% nationwide coverage bago matapos ang taon. RNT/MND