MANILA, Philippines – Dalawa sa tatlong pinaghahanap na opisyal ng Sunwest Construction and Development Corporation na nasa bansa pa rin ang nagpadala ng feelers para sumuko, ayon sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group.
“Sa tatlo ongoing ang manhunt operations although two of them are sending surrender feelers,” ayon kay PNP-CIDG Acting Director Police Major General Robert Alexander Morico II sa press conference.
Aniya, natatakot ang dalawa dahil wala silang abogado na magrerepresenta sa kanila.
“We must understand na ‘yung tatlong hinahanap sa local ay mataas ang posisyon nila sa company na iyon but dummy lang so basically they do not have the money and capacity to pay for a lawyer,” ani Morico.
Sinabi pa niya na ang mga kaanak ng dalawa ang nakipag-ugnayan sa mga awtoridad.
“May back channel po sa amin, siyempre wala silang personal na abogado and apparently parang napabayaan so they are afraid also. I think ‘yung credibility ng CIDG is well established na igagalang namin ang karapatan nila that’s why certain kamag anak ang nagpadala ng ano na they are willing (to surrender) in time,” anang opisyal.
Sa kabila nito, nagpaalala si Morico sa mga akusado na ang CIDG ay hindi maghihintay dahil may arrest warrant nang inisyu laban sa kanila.
“But you know there is a warrant of arrest at hindi kami makakapaghintay niyan kung maunahan namin silang mahuli that’s fine so if they are listening right now…we assure them na ‘yung karapatang pantao nila ay igagalang ng CIDG,” sinabi pa nito.
Tumanggi namang ibigay ang impormasyon kung sino sa mga opisyal ng Sunwest ang nagpadala ng surrender feelers.
Nitong Biyernes, nagtungo ang PNP-CIDG at National Bureau of Investigation sa hotel sa Pasay City para isilbi ang arrest warrants laban sa mga sumusunod:
Consuelo Dayto Adon, miyembro ng Sunwest Board of Directors
Anthony Li Ngo, miyembro ng Sunwest Board of Directors
Noel Yap Cao, miyembro ng Sunwest Board of Directors
Sa kabila nito, hindi inabutan ng mga awtoridad ang tatlo sa naturang hotel.
Ang arrest warrant ay may kaugnayan sa korapsyon at malversation of public funds charges na inihain ng Ombudsman na may kaugnayan sa maanomalyang P289 milyong flood control project sa Oriental Mindoro.
Sa 16 akusado, siyam ang nasa kustodiya na ng pulisya.
Ang iba pang mga akusado na hindi pa sumusuko o naaaresto ay sina:
Resigned Ako Bicol Rep. Zaldy Co, who is also former House appropriations panel chairperson
Timojen Sacar, DPWH materials engineer
Aderman Alcazar, president and board chair, Sunwest Construction
Cesar Buenaventura, treasurer and board member, Sunwest Construction
Consuelo Aldon, board member, Sunwest Construction
Engr. Noel Yap Cao, board member, Sunwest Construction
Anthony Ngo, board member, Sunwest Construction
Ani Morico, hinahanap na ng police attache sa iba’t ibang bansa ang iba pang mga akusado. RNT/JGC