MANILA, Philippines – Inamin ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang malaking hamon na kanyang kinaharap nang tanggapin niya ang posisyon kapalit ni dating House Speaker Martin Romualdez.
“Ilang buwan pa lamang ang nakakalipas mula nang pagkatiwalaan tayo na pamunuan ang institusyong ito. Sa totoo lang, napakalaki ng hamon at suliraning ating nadatnan. Ngunit sa kabila ng lahat, hindi ako natinag—dahil alam kong hindi ako nag-iisa. Kasama ko kayo. Kasama ko ang tapang, talino, at puso ng bawat kinatawan at bawat kawani dito sa Kapulungan,” ayon kay Dy sa flag raising ceremony sa Kamara.
Dahil dito, nakiusap si Dy sa mga empleado ng Kamara na mahalaga ang pagkakaisa sa gitna ng laban at isantabi muna ang pansariling interes.
“Mga kasama, malinaw ang hamon sa ating lahat: Magkaisa. Magtulungan. Isantabi ang pansariling interes para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino. Kung may panahon mang hinihingi ang pagkakaisa, iyon ay ngayon na. Kung may pagkakataon mang dapat magpamalas tayo ng lakas ng loob at paninindigan, iyon ay ngayon na rin. Kung may puwang man para maging liwanag tayo sa gitna ng dilim ng kaguluhan, pagdududa, at maling impormasyon—ito na ang tamang panahon.”
Isinusulong ni Dy sa Kamara ang Kongresong tapat, makatao at makabayan na siyang magiging panlaban upang matamo ang mga reporma at pagbabago hindi lamang sa institusyon kungdi maging sa buong bansa.
“Kayang-kaya nating itayo ang isang Kongresong tapat, makatao, makabayan, at tunay na nagsisilbi. Kayang-kaya nating maging instrumento ng pagkakaisa at paghilom ng ating bayan. Dahil sa ating pagkakaisa, unti-unti nating maipaglalaban at maipapatupad ang mga pagbabagong matagal nang hinihintay ng ating mga kababayan.”
Umapela rin si Dy hindi lamang sa mga empleado kungdi maging sa buong institusyon na iwasan ang “ingay politika” at ang pagkakalat ng mga maling impormasyon na maaring makasira sa mandato ng Kamara.
“Hinihikayat ko kayo: huwag nating hayaang maapektuhan tayo ng mga naririnig o nababasa sa social media. Kayang-kaya nating baguhin ang imahe ng institusyong ito sa pamamagitan ng tapat, masipag, at makabuluhang paglilingkod.”
Sa mga reporma andiyang ipatutupad ay tiniyak ni Dy na ang magiging lakas ng Kamara na siyang magbibigay sa mga empleado ng respeto at dignidad bilang kawani ng Malaking Kapulungan ng Kongreso.
“At para sa ating mga kawani—ang haligi at lakas ng Kongreso—hayaan ninyong sabihin ko ito mula sa aking puso: darating din ang araw na hindi ninyo na kailangan pang mag-alinlangan o mahiyang sabihing kayo ay empleyado ng Kamara. Hindi na magtatagal ang bawat isa sa inyo ay makakapaglakad nang taas-noo, dahil kabahagi kayo, at tayong lahat, sa pagbabagong ating sama-samang isinusulong. Hindi tayo titigil hanggang hindi natin maabot ang mataas na kalidad ng ating serbisyo at makagbigay tayo ng dignidad sa ating institusyon.” Meliza Maluntag