MANILA, Philippines — Dalawang silid-aralan ang nawasak matapos masunog ang Jose M. Solis Elementary School sa Barangay Camandag, Looc, Romblon nitong Sabado.
Ayon kay FO2 Pamella Perez ng Looc Municipal Fire Station, tinatayang 90 square meters ng paaralan ang naapektuhan ng sunog.
Nakatanggap ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng fire call bandang alas-2:54 ng hapon at nakarating ang mga bumbero sa lugar makalipas ang pitong minuto.
Naideklarang under control ang apoy alas-3:10 ng hapon at tuluyang naapula alas-3:18.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.
Nagpasalamat si Looc Mayor Lisette Arboleda na walang nasawi o nasugatan sa sunog.
Patuloy namang iniimbestigahan ng BFP ang insidente dahil hindi pa natutukoy ang pinagmulan ng apoy. Mary Anne Sapico