MANILA, Philippines – HINDI pa nakalalabas ng Pilipinas si Porac, Pampanga Mayor Jaime Capil na may kinahaharap na kasong graft dahil sa operasyon ng POGO hub sa Pampanga na Lucky South 99, na sangkot sa mga ilegal na aktibidad tulad ng human trafficking.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na nasa Pilipinas pa rin si Capil base sa rekord ng Bureau of Immigration.
“Pagdating kay Porac Mayor, he is in the Philippines as of Immigration records nandidito pa rin siya. There is a warrant of arrest out for him and he has sent surrender feelers to the PNP. We will know within this week kung magsu-surrender siya. Kung hindi, uumpisahan na namin iyong intensive manhunt para sa kaniya.
Nauna rito, sa ulat, inisyuhan ng warrant of arrest si Porac, Pampanga Mayor Jaime Capil dahil sa kasong graft.
Inilabas ng Pasig Regional Trial Court Branch 265 ang arrest warrant matapos ang umano’y paglabag ni Capil sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Kaugnay umano ito ng operasyon ng POGO hub sa Pampanga na Lucky South 99, na sangkot sa mga ilegal na aktibidad tulad ng human trafficking.
Batay pa sa dokumento ng korte na may petsang Nobyembre 28, inirerekomenda rin ang piyansang P90,000 sa pitong bilang ng naturang kaso.
Ipinag-utos na sa mga awtoridad na arestuhin si Capil sa Porac Municipal Hall o saan man siya matagpuan.
Matatandaang sinibak si Capil noong Abril ng Office of the Ombudsman dahil sa umano’y gross neglect of duty, ngunit nanalo pa rin bilang mayor noong Mayo 12 eleksyon. Kris Jose