MANILA, Philippines – Haharap ngayong linggo sina House Majority Leader Sandro Marcos at Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa pagdinig ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood control project.
Ayon sa ICI, kasama rin sa mga resource persons sa pagdinig mula Disyembre 2–5 sina Laguna Rep. Benjie Agarao Jr., Bulacan Rep. Danilo Domingo, at Benguet Rep. Eric Yap.
Iimbitahan din ang mga opisyal ng Land Bank of the Philippines.
Nangako si Marcos na handa siyang dumalo anumang oras matapos akusahan ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na siya at si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nag-utos umano ng budget insertions—mga paratang na tinawag niyang “fantastical” at “false.”
Mariin ding itinanggi ni Duterte, anak ng dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang alegasyon ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na may mga pekeng flood control project sa kanyang distrito. Giit niya, naisagawa at na-inspeksyon ng DPWH at COA ang lahat ng proyekto sa Davao at Matina Rivers.
Samantala, ilang ulit nang nadawit sa mga alegasyon ng korapsyon sa flood control projects sina Agarao, Yap, at Domingo, ngunit itinanggi nila ang anumang iregularidad. RNT