Home NATIONWIDE Piyansa para kay Revilla, pinanatili ng Sandiganbayan

Piyansa para kay Revilla, pinanatili ng Sandiganbayan

1
0

MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Sandiganbayan Third Division nitong Biyernes, Nobyembre 27, ang naunang desisyon nitong payagan si dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na makapagpiyansa sa kasong malversation kaugnay ng flood control project sa Pandi, Bulacan.

Sa 49-pahinang resolusyon, ibinasura ng anti-graft court ang mosyon ng prosekusyon na muling pag-isipan ang desisyon nitong Hulyo 31 na pagkalooban ng piyansa si Revilla.

Ayon sa korte, hindi sapat ang ebidensiya ng prosekusyon upang patunayang malakas ang kaso laban kay Revilla kaugnay ng umano’y pakikipagsabwatan sa iba pang akusado.

Nahaharap si Revilla at anim na iba pa sa kasong malversation through falsification of public documents kaugnay ng hindi bababa sa P76,916,337.42 na ibinayad sa SYMS Construction Trading para sa flood control structure sa Purok 5, Barangay Bunsuran, Pandi.

Iginiit ng prosekusyon na nangalap umano ng tinatawag na “commitments” ang mga pribadong contractor para sa mga proponent ng proyekto, at kalaunan ay binabawi ang mga ito mula sa budget ng proyekto.

Ginamit din nilang ebidensiya ang umano’y pakikipag-ugnayan ni Revilla sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at pagtanggap ng “commitment” upang maisama ang proyekto sa General Appropriations Act.

Gayunman, sinabi ng Sandiganbayan na hindi napatunayan ng prosekusyon na pampublikong pondo ang pinagmulan ng perang umano’y natanggap ni Revilla.

Hindi rin nakita ng korte na sapat ang pagiging senador ni Revilla at pagiging chairman niya noon ng Senate Committee on Public Works upang ipalagay na siya ang nagpaipasok ng proyekto sa national budget. Wala rin umanong naiharap na ebidensiya ng partikular na hakbang na ginawa niya sa plenary o bicameral proceedings para maisama ito.

Samantala, ibinasura rin ng korte ang mosyon ng anim na co-accused na sina Brice Ericson Hernandez, Arjay Domasig, Jaypee Mendoza, Juanito Mendoza, Emelita Juat at Christina Pineda na muling pag-isipan ang pagkakait sa kanila ng piyansa.

Ayon sa Sandiganbayan, hindi na nagharap ng rebuttal evidence ang anim. Nakita rin ng korte ang matibay na ebidensiya laban sa kanila batay sa pagkakaiba ng mga trabahong nakatala sa mga dokumentong kanilang nilagdaan at sa aktuwal na nakita ng korte sa inspeksiyon noong Abril 15.

Wala umanong nakitang konkretong slope structure sa ibabaw ng lugar. May mga sheet pile at pile cap na nakabaon sa ilang bahagi, at may ilan nang kinakalawang.

Sa hiwalay na opinyon, sumang-ayon si Associate Justice Karl Miranda, chairperson ng Third Division, sa pagtanggi sa piyansa ng anim na co-accused, ngunit iginiit niyang dapat ding pagkaitan ng piyansa si Revilla.

Para kay Miranda, sapat ang ebidensiya ng umano’y pakikipag-ugnayan ni Revilla sa mga opisyal ng DPWH upang ipakitang tumulong siya sa pagsama ng proyekto sa budget. Hindi rin umano kailangang patunayan ng prosekusyon na namagitan siya sa plenary o bicameral proceedings.

Sa huling bahagi ng resolusyon, nilinaw ng Sandiganbayan na ang pagkakaloob ng piyansa ay hindi nangangahulugang napawalang-sala na ang akusado. Paggalang lamang ito sa presumption of innocence habang dinidinig pa ang kasong kriminal. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here