Home NATIONWIDE Co-accused ni Romualdez sa P7.44B plunder case, gagawing state witness

Co-accused ni Romualdez sa P7.44B plunder case, gagawing state witness

1
0

MANILA, Philippines – Pinayagan ng Sandiganbayan Third Division na maging state witness si Felicito Guevarra, co-accused ni dating House Speaker Martin Romualdez sa kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y P7.44 bilyong kickback mula sa mga proyekto ng gobyerno.

Sa resolusyong inilabas nitong Biyernes, inaprubahan ng korte ang mosyon ng prosekusyon na alisin si Guevarra sa listahan ng mga akusado upang makapagtestigo siya sa bail hearing ni Romualdez.

Si Guevarra ang presidente ng Samchan Foreign Exchange Corp., na ayon sa mga imbestigador ng Office of the Ombudsman ay ginamit umano sa paglilipat ng kickback mula sa mga proyekto ng imprastraktura ng gobyerno patungo sa mga benepisyaryo na kinilala ng dating House Speaker.

Ayon sa Sandiganbayan, nais ng prosekusyon na iharap si Guevarra bilang saksi sa halip na dating Public Works Secretary Manuel Bonoan bilang bahagi ng kanilang “prosecutorial strategy.”

Sinabi ng korte na may merito ang mosyon dahil sa kahandaang tumestigo ni Guevarra laban sa kanyang kapwa akusado. Dagdag pa nito, pormalidad lamang ang pagtanggal sa kanya sa listahan at hindi nito naaapektuhan ang karapatan ni Romualdez.

May karapatan pa rin umano si Romualdez na i-cross-examine si Guevarra upang kuwestiyunin ang kanyang testimonya at maglahad ng mga impormasyong makatutulong sa kanyang depensa.

Pinayagan din ng korte na manatili sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) si Guevarra dahil posible umano ang seryoso at kapani-paniwalang banta sa kanyang buhay at seguridad, bunsod ng laki ng perang sangkot at mga personalidad sa kaso.

Sumuko si Guevarra sa NBI noong Nobyembre 19 matapos kumilos ang mga tagausig para kanselahin ang kanyang pasaporte.

Nahaharap si Romualdez sa kasong plunder dahil sa alegasyong tumanggap siya ng P7.44 bilyong kickback mula sa mga proyekto ng imprastraktura na pinondohan ng pambansang budget mula 2022 hanggang 2025. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here