MANILA, Philippines – Iginiit ng kampo ni dating senador Bong Revilla na hindi siya nabigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang sarili sa harap ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood control project.
Ayon sa tagapagsalita niyang si Atty. Maria Guinto, handa si Revilla at bukas siyang makipagtulungan sa ICI.
“Yet he was never invited to speak, never given the opportunity to defend himself, and never allowed to present the truth,” ani Guinto. Dagdag pa niya, “He is deeply disappointed to have been denied such a fundamental right, though he still holds trust and faith in the system.”
Lumabas ang pahayag matapos irekomenda ng ICI ang pagsasampa ng kaso laban kay Revilla at iba pa para sa direct o indirect bribery, corruption, plunder, at administratibong parusa sa Ombudsman.
Sinabi ni ICI Chair Justice Andres Reyes Jr. na batay ang referral sa mga affidavit at testimonya ni dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo, na una nang nag-akusa kay Revilla ng pagtanggap ng 25% commission mula sa flood control projects — bagay na itinanggi nito.
Sinabi ni Guinto na nananatiling kumpiyansa si Revilla na mananaig ang katotohanan, at iginiit na ang mga paratang ay mula sa mga taong umaming bahagi ng isang sindikato.
Tinawag niyang “meaningless accusations fabricated by a criminal mastermind and his cohorts who are desperately buying their way to freedom” ang mga akusasyon, at sinabing ang kanilang kilos ay nagpapakita ng “a deliberate pattern of moral bankruptcy.”
Tiniyak niyang haharapin ni Revilla ang mga kaso kapag sinimulan na ng Ombudsman ang preliminary investigation. Wala pang tugon ang ICI sa kanilang panig. RNT