Home HOME BANNER STORY LTFRB: Walang taas-pasahe sa jeep sa isinagawang malaking rollback sa diesel

LTFRB: Walang taas-pasahe sa jeep sa isinagawang malaking rollback sa diesel

328
0

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Biyernes na walang magiging fare hike para sa traditional at modern jeepneys matapos ang malaking pagbaba ng presyo ng diesel.

Humihiling ang ilang transport groups ng PHP1 hanggang PHP2 na dagdag-pasahe mula sa kasalukuyang PHP13 minimum fare sa traditional jeepneys at PHP15 para sa modern jeepneys.

Ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, hindi pa tamang panahon para magtaas ng pasahe.

Sabi niya, “Malaki ang magiging epekto ng taas-pasahe sa ekonomiya, lalo na’t marami pang probinsya ang bumabangon mula sa lindol at bagyo.”

Ayon sa pag-aaral ng Department of Economy, Planning, and Development, ang PHP1–PHP2 na dagdag-base fare ay makapagpapataas ng inflation sa susunod na dalawang taon. Idinagdag din ni Lopez na tataas din ang presyo ng mga pangunahing bilihin kapag tumaas ang pasahe.

Sinabi naman ni LTFRB Chair Vigor Mendoza na lima sa mga rehiyon kabilang ang ilan sa pinakamatao sa bansa—Central Luzon, Calabarzon, Bicol Region, Central Visayas, at Metro Manila—ay tutol din sa fare hike.

Sa pag-aaral at konsultasyon ng LTFRB kasama ang transport groups, lumalabas na nag-aalangan mismo ang ilang PUV operators sa pagtaas ng pasahe.

Para matiyak ang sapat na kita ng mga PUV driver at operator, binuo ng DOTr at LTFRB, kasama ang DOJ at Presidential Anti-Organized Crime Commission, ang Anti-Colorum Task Force para tugisin ang mga illegal o “colorum” PUVs.

Sa pag-aaral ng LTFRB, hanggang 30% ng kita ng mga lehitimong PUV drivers at operators ang nawawala dahil sa colorum vehicles.

Ayon kay Lopez, “Hahabulin at huhulihin natin ang mga sangkot sa ilegal na operasyong ito… para sa kapakanan ng mga lehitimong PUV drivers at commuters.”

Nanawagan din si Mendoza sa mga hindi rehistradong PUVs, lalo na mga TNVS driver at operator, na samantalahin ang 17,000 available registration slots.

“Magandang pagkakataon ito para talikuran ang ilegal. Mas mabuti ito kaysa mabuhay sa takot na mahuli, makulong, at magmulta,” aniya. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here