ILANG araw na lang ay Pasko na kaya asahan na ang lalo pang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa halos lahat ng pangunahing lansangan sa Metro Manila, partikular na sa mga kilalang lugar na puntahan ng mga mamimili.
Hindi lang kasi ang pagdami ng mga sasakyan sa lansangan ang nagdudulot ng pagsisikip ng trapiko kundi marami pang kadahilanan.
Siyempre, kapag ganito kasikip ang daloy ng trapiko, kayod-kalabaw din sa pagtatrabaho ang mga traffic enforcers ng Metropolitan Manila Development Authority.
Dito nga lang sa Lungsod ng Maynila, ngayon pa lang ay mapupuna na ang unti-unting pagsisikip ng daloy ng trapiko sa area ng Divisoria, Blumentritt, Sampaloc, Sta Mesa, at iba pang mga kalsadang patungo sa mga malalaking mall at mga kilalang bilihan ng mga murang panindang damit, laruang panregalo at Christmas decorations sa kapitolyo ng bansa.
Siyempre, kapag ganyang abalang-abala na sa pamimili ang marami, busy na rin ang mga traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau para kahit dagsa ang mga sasakyan at mga tao sa lansangan, magiging maayos pa rin ang daloy ng trapiko.
Kaya lang, hindi na yata talaga maiiwasan na sa ganitong panahon, may mga tolongges pa ring miyembro ng MTPB na tila hindi yata dinaga sa banta ni Yorme na kakasuhan at sisibakin sila sa tungkulin kapag pangongotong sa motorista ang pagkakaabalahan.
Dito lang kasi sa Legarda Bustillos sa Sampaloc, ilang ulit ng inirereklamo ang nakatalaga ritong traffic enforcers na sa halip mag-asikaso sa masikip na daloy ng trapiko, nasa gilid sila ng isang sikat na fast food chain para mag-abang ng mga kokotongan.
Ang modus-operandi ng mga tolongges ay aabangan ang motoristang aabutan ng warning ng signal light sa Legarda at kanila itong paparahin. Kahit mangatwiran ang motorista na hindi pa red light nang abutan sila sa gitna dahil matraffic, hindi ito pakikinggan ng traffic enforcer at iginiit na ‘beating the red light’ ang nilabag ng tsuper.






