Home OPINION KRISIS SA GITNA NG KASONG IMPEACHMENT

KRISIS SA GITNA NG KASONG IMPEACHMENT

1
0

SUMASABOG ang malaking masamang larawan ng ekonomiya ng mahal kong Pinas at nakikita ito sa mga nagaganap sa transportasyon at negosyo.

Makaraan ang 3-araw transport strike na isinagawa ng militanteng Piston laban sa napakamahal nang langis at pagkalugi ng mga operator at tsuper dito, may 3-araw strike rin ng pinakamalalaking kompanya ng truck sa Pinas, ang Confederation of Truckers Association of the Philippines at Inland Haulers and Truckers’ Association at Aduana Business Club Inc.

Pinapatay rin umano ang kanilang hanapabuhay ng mahal na langis, truck ban, pass-through fees, non-contact apprehension policy (NCAP) sa ilang LGU sa Metro Manila, “unfriendly Land Transportation Office” at problema sa imbakan ng container vans.

MAHAL NA LANGIS, TRUCK BAN, PASS-THROUGH FEES

Gaya ng alam ng lahat, doble na ang presyo ng diesel at gasolina na sobrang bigat sa lahat ng motorista at napakabigat bawiin sa mga ibinibiyahe at ninenegosyong produkto at serbisyo.

May truck ban pa na nagpapatigil sa galaw ng negosyo at pinagmumulan din ng multa sa mga kompanya at tsuper sa mga panghuhuli.

Mahal din ang pass-through fees o bayad sa pagpasok sa mga kalsada ng mga lungsod.

Mabibigat o masasama lahat ito at ito ang sinasabi ng mga nagrali, “Ngayon, tuloy uli ang truck ban, tuloy ulit ang paniningil, at wala kaming magawa dahil hindi kami makapapasok sa teritoryo ng mga LGU kung hindi kami papayag sa kagustuhan nila.

“Nung pandemic time, ang ating diesel is P35 per liter….tapos kaming trucker parang importante kami noon sa mga government officials. Libre kaming makapasok sa pier, libre kaming makalabas, libre kaming dumaan sa kalsada.”

Paliwanag ‘yan ng mga nagrali sa pamamagitan ni CTAP president Mary Zapata.

NCAP, UNFRIENDLY LTO, CONTAINER VAN

Malaking problema rin ang pagpapairal ng Non-Contract Apprehension Policy sa mga lokal na kalsada na sakop ng mga LGU ng Manila, Quezon City, Parañaque, Muntinlupa, San Juan at Valenzuela na nagsimula na nitong Oktubre.

Bukod ito sa NCAP na pinaiiral na rin ng MMDA.

Iba pang problema ang napakamamahal na bayarin sa mga multa ng Land Transportation Office at sa kahit maliit na mga pagkakamali, walang patawad.

Malaking problema rin pagbiyahe at pagsasauli ng mga container van sa pier dahil umuubos ng maraming panahon, diesel, gasolina at pansahod sa mga tsuper at helper sa kalsada ang mga kompanya at tsuper sa pagkaistambay ng mga truck na may kargang container van dahil sa labis na kakulangan ng imbakan para rito.

MASASAMANG EPEKTO

Kabilang sa napakasasamang epekto ng nasabing mga problema ang pagkalugi ng mga negosyante at pagliit o pagkukulang na ng mga tsuper sa mga truck dahil sa mga kanselasyon, kumpiskasyon, malaking bayarin sa mga driver’s license dahil sa traffic “violations.”

Napipilitan nang mag-abroad o lumipat sa ibang mga trabaho ang mga tsuper at helper at talaga namang problema ito dahil may epekto sa pagbiyahe upang tugunan ang pangangailangan sa negosyo.

Nagbubunga rin ang lahat ng ito sa pagtaas din ng presyo ng mga bilihin na ikinaaaray na ng lahat ng mamamayan.

Teka nga pala, higit yatang inuubos ng gobyerno ang panahon at pondo nito sa impeachment at pamumulitika kaysa paglutas ng ganitong mga problema.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here