MANILA, Philippines – Inatasan ni Acting Department of Transportation Secretary Giovanni Lopez ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na parusahan ang mga taxi at Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers na magkakansela ng mga na-book na biyahe ng mga pasahero dahil lang sa dahilan na mabigat ang daloy ng trapiko o malayo ang ruta.
Sa abiso, sinabi ni Lopez na inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DOTR na i-monitor ang tugunan ang mga “unacceptable” practice ng mga tsuper na nagkakansela ng booking at iba pang mga paglabag lalo na tuwing holiday season.
Ayon sa DOTr chief, ang taxi at Transport Network Companies (TNCs) na magkakansela ng booked trips ay paparusahan ng LTFRB.
Sinabi rin ni Lopez na aatasan nila ang mga TNVS operator na magpasa sa LTFRB ng listahan ng mga drayber na madalas magkansela ng mga booking.
Gagawa rin ang LTFRB ng hotline kung saan maaaring magsumbong ang publiko sa mga pasaway at abusadong drayber.
Inatasan naman si LTFRB Chairman Vigor Mendoza II na masusing pag-aralan ang legal na baseha ng surge pricing ng mga biyahe, at kung maaari bang makansela ito o ipatigil tuwing holiday season.
Magsasagawa ang DOTR ng public consultation kasama ang TNVS companies sa Disyembre 10 para talakayin ang mga isyu kaugnay sa surge pricing.
“Kailangan naming simulan na ngayong Disyembre. But I just have to strike a balance right now of either cancelling it totally or deferring it. Baka sa susunod na taon mas mai-implement na wala na po. We can always cancel it [surge pricing], but again, baka ang mag suffer diyan ay ang ating mga mananakay, so kailangan pong araling mabuti at iba pa rin ‘yung nakikipag-dayalogo tayo ng mabuti sa TNVS. Again, the drivers, titingnan natin kung paano sila maapektuhan, kung ano ang pwedeng alternative measures na ibibigay ng kanilang kompanya,” ani Lopez. RNT/JGC