MANILA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang Kapaskuhan ay nagbibigay-daan sa mga Filipino na alalahanin ang mga biyaya sa nagdaang taon sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap ng bansa.
Sa traditional gift-giving activity sa Malacañang ngayong taon, sinabi ni Marcos na ang Pasko ay nagbibigay ng mabilis ngunit isang welcome period para magkaroon ng perspektibo sa mga nangyari ngayong taon.
“Nagpapasalamat kami na kahit mabigat ang hinaharap natin na mga hamon ay kahit paano mayroon tayong isang kaunting panahon, lalo na kapag Pasko, na kailangan naman nating maalala ang mga suwerte natin sa buhay, ang mga biyaya natin sa nakaraang taon,” ayon kay Marcos sa kanyang speech sa Balik Sigla, Bigay Saya 2025 nationwide gift-giving activity.
Iginiit ni Marcos na ang pinakamalaking biyaya ay ang mga bata ng ating bansa na inilarawan niyang dahilan sa paglilingkod ng administrasyon sa mga mamamayan.
“At ang pinakamalaking biyaya… The biggest treasure that we have in the Philippines are these, our children, the future of our country,” ayon pa sa Pangulo.
“Kaming mga nagtatrabaho sa pamahalaan, kapag kami nakikita namin kayo, naaalala namin kaya kami nagtatrabaho, hindi para sa sarili namin, kung hindi para sa inyo,” dagdag pa niya.
“Kaya tumitibay ang loob namin, lumalakas ang loob namin, nagiging kami mas masipag kapag nakikita namin kayo. Kayo ang dahilan sa lahat ng aming ginagawa.”
Pinangunahan ng Pangulo at ng First Family ang “Balik Sigla, Bigay Saya 2025” nationwide gift-giving activity sa Kalayaan Grounds sa Malacañang.
Kasama ng Pangulo si First Lady Liza Araneta-Marcos at anak na si Vinny, kasama sina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian at Education Secretary Sonny Angara.
Kasunod ng speech ay nakipaglaro si Marcos sa mga bata at pinangunahan ang larong “pabitin.”
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), mahigit 3,000 attendees ang nagtungo sa event tampok ang inflatables, games, circus acts, activity booths, at food stalls.
Kabilang sa mga lumahok ay mga bata mula sa mga barangay na malapit sa Palasyo na nabigyan din ng mga regalo sa naturang aktibidad.
Samantala, mahigit 19,000 bata ang inaasahang makatatanggap pa ng regalo sa buong bansa sa ilalim ng programa.
Sa ikaapat na taon, ang Balik Sigla, Bigay Saya program ay sabayang isinasagawa sa 78 DepEd schools at 56 DSWD satellite centers sa buong bansa. RNT/JGC