MANILA, Philippines – Bumilis ang Tropical Depression Wilma at nakatawid na sa probinsya ng Samar nitong Linggo ng umaga, Disyembre 7.
Sa kasalukuyan ay namataan ang sentro ng bagyo sa Calbayog City.
Ayon sa PAGASA, kumikilos ang Tropical Depression Wilma pa-kanluran timog kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras at inaasahang tatawirin ang Southern Luzon at Visayas ngayong araw bago lumabas sa Sulu Sea.
Maaari itong dumaan sa northern Palawan pagsapit ng Lunes ng umaga o hapon.
Mananatiling nasa tropical depression category si Wilma sa pagtawid nito sa lupa at magpapahina pa bilang low pressure area dahil sa surge ng northeast monsoon o amihan. RNT/JGC