Home METRO Pag-gawa ng social media content ipinagbawal sa opisina, oras ng trabaho sa...

Pag-gawa ng social media content ipinagbawal sa opisina, oras ng trabaho sa NegOcc

270
0

NEGROS OCCIDENTAL, Philippines – Ipinagbawal ng munisipyo ng Toboso, Negros Occidental sa lahat ng opisyal at empleyado ng lokal na pamahalaan ang paggawa ng social media content sa oras ng trabaho at sa loob ng mga pasilidad ng LGU.

Ayon kay Mayor Richard Jaojoco sa isang memorandum noong Disyembre 4, layunin ng patakarang ito na panatilihin ang propesyonalismo, integridad, at mataas na antas ng serbisyo publiko.

Ang pagbabawal ay sumasaklaw sa pag-film, recording, editing, o pag-post sa TikTok, Facebook, Instagram, at iba pang platforms habang nasa opisina o break time, kabilang ang mga hallways, conference rooms, at public service areas. Bawal ding gamitin ang mga kagamitan, mesa, sasakyan, o iba pang LGU property bilang props o background para sa personal na content.

Ayon kay Jaojoco, layunin ng polisiya na iwasan ang hindi propesyonal na asal, maling paggamit ng oras at resources ng gobyerno, at aksidenteng pagpapakita ng confidential na dokumento. Binanggit din niya na nakakaapekto sa productivity at imahe ng LGU ang paggawa ng content habang nasa trabaho.

Binigyan diin niya na ang gobyerno ay nangangailangan ng disiplina, pananagutan, at wastong asal, at ang paggawa ng personal content habang nasa duty ay hindi tugma sa etika ng serbisyo publiko.

Ang mga lalabag sa polisiya ay maaaring makasuhan administratibo alinsunod sa civil service at LGU rules. Inutusan rin ang lahat ng department heads at supervisors na mahigpit na ipatupad ang direktiba at i-report agad ang anumang paglabag.

Ani Jaojoco: “Inaasahan ang inyong buong kooperasyon upang mapanatili ang propesyonalismo sa opisina at integridad ng serbisyo publiko.” RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here