MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Agriculture-Cordillera na may sapat na suplay ng highland vegetables para sa Kapaskuhan sa kabila ng mga nagdaang bagyo.
Ayon kay Regional Executive Director Jennilyn Dawayan, mabilis na muling nagtanim ang mga magsasaka pagkatapos ng Super Typhoon Uwan at handa na ang mga bagong tanim para sa ani.
“We have ample supply of vegetables because many have already planted and there are no reports of insufficiency of supply,” ani Dawayan.
Binigyang-diin niya na hamon pa rin ang transportasyon kaya pinapalakas ng ahensya ang “food lane certification” upang matulungan ang mga trader na maipadala ang perishable goods nang mabilis.
Matapos ang bagyo, bumalik na rin sa normal ang presyo. Inaasahang mailalabas na rin ang quick response funds para sa pinsala ng bagyo upang maisagawa ang mga interbensyon sa unang bahagi ng 2026.
Maaari ring tulungan ng ahensya ang mga magsasaka na nangangailangan ng trak para sa transportasyon ng kanilang produkto. Santi Celario