MANILA, Philippines – Isang pitong taong gulang na bata ang pinakabata sa 142 bagong kaso ng HIV na naitala sa South Cotabato ngayong taon.
Ayon kay John Arlo Codilla, pinuno ng Disease Prevention and Control Unit ng South Cotabato Integrated Provincial Health Office, hindi mula sa ina ang virus dahil negatibo ang HIV test ng kanyang ina, kaya pinag-iisipan ang posibilidad ng sekswal na pang-aabuso o eksploytasyon.
Sa kabuuang bagong kaso, 134 ang kalalakihan at walong kababaihan, kabilang ang apat na buntis. Karamihan ng mga kaso ay mula sa edad 25-34, kasunod ang 15-24 taong gulang.
Umabot na sa 1,278 ang kabuuang naitalang HIV cases sa South Cotabato sa nakaraang mga taon.
Hinihikayat ni Codilla ang mga sexually active na magpa-testing sa South Cotabato HIV/AIDS treatment hub kung saan libre ang serbisyo, at binigyang-diin ang pagiging kompidensiyal: “Every test we conduct is secure and confidential. Our goal is to create a safe space where young people feel empowered to know their status.”
Naglaan ang pamahalaang panlalawigan ng hindi bababa sa P19 milyon ngayong taon para sa HIV prevention, control, at treatment. RNT