MANILA, Philippines – Maaari pa ring magampanan ni Sen. Ronald Dela Rosa ang kanyang mga tungkulin kahit wala siya sa Senado, ayon sa kanyang abogado na si Israelito Torreon, matapos lumabas ang balitang may umiiral na ICC arrest warrant laban sa kanya.
“Yung ministerial functions naman nandyan yung mga staff niya. He can perform through his staff,” ani Torreon. Binigyang-diin din niya na dapat linawin ng gobyerno ang tamang proseso sa pagsuko.
“But as to his personal presence, I do hope that the Filipino public will understand that what is at stake here is his personal safety already… Hindi pa klaro kung anong procedure na gagamitin ang Philippine government kung paparehasin ba siya ni Tatay Digong na parang manok lang kukunin. Hindi na idaan sa korte at idiretso na doon sa Hague, Netherlands,” dagdag pa niya.
Sinampahan ng kaso si Dela Rosa sa ICC dahil sa implementasyon ng drug war noong administrasyong Duterte.
Iginiit ng kampo niya na wala nang hurisdiksyon ang ICC simula nang umatras ang Pilipinas noong 2019, ngunit nanindigan ang korte na maaari pa rin nitong ipatupad ang hurisdiksyon sa mga umano’y krimeng naganap habang miyembro pa ang Pilipinas.
Ayon kay Torreon, nakipag-ugnayan siya sa pamilya ni Dela Rosa ngunit hindi sa senador mismo, at naniniwala siyang nasa bansa pa si Dela Rosa.
Ani JV Hinlo, kasamahan ni Dela Rosa sa PDP, tanging ang Korte Suprema lamang ang makapagpapatunay kung legal ang pag-aresto at plano ng extradition. RNT