MANILA, Philippines – BINASURA ng Malakanyang ang napaulat na ‘tsismis’ na may napipintong balasahan sa Gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa katunayan, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na patuloy na nagtitiwala ang Pangulo sa mga miyembro ng kanyang Gabinete, kabilang na kina Education Secretary Sonny Angara at Information and Communications Technology Secretary Henry Aguda.
Ang paglilinaw ni Castro ay kasunod ng ulat na nanganganib na masibak sa puwesto sina Angara at Aguda.
Giit pa ni Castro, malabong mangyari iyon dahil present pa nga sina Angara at Aguda sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting kasama si Pangulong Marcos sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng Martes.
Bukod dito, nag-presenta pa nga ang dalawang opisyal ng updates ng kani-kanilang mga proyekto sa isang pribadong pagpupulong kasama si Pangulong Marcos.
“Denied po dahil kahapon lamang po ay kasama namin sila sa LEDAC meeting. At nagbigay din po sila ng mga proyekto sa private meeting with the President,” ang sinabi ni Castro.
Aniya pa, nananatiling ‘satisfied’ si Pangulong Marcos sa performance ng lahat ng kanyang Cabinet secretaries.
“Sa ngayon, nakikita po ng Pangulo na ang kaniyang mga Cabinet secretaries ay nagta-trabaho. Kuntento po ang Pangulo sa kaniyang lahat ng Cabinet secretaries… at habang nanatili sila d’yan, nandiyan pa rin ang tiwala ng ating Pangulo sa kanila,” ang tinuran ni Castro.
Tinukoy ni Castro ang naging pagtugon ng gobyerno sa kamakailan lamang na kalamidad bilang pruweba ng ‘steady performance’ ng kanyang Gabinete.
At nang tanungin si Castro kung may aasahan bang mga opisyal na aalisin sa puwesto ni Pangulong Marcos, ang naging tugon ni Castro ay, “Sa ngayon, wala pa.”
Samantala, patuloy din namang ini-enjoy ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang tiwala ng Pangulo kahit pa tinalakay ng Kongreso ang panukalang lumikha ng isang Independent People’s Commission (IPC).
“Wala pa naman po ‘yung batas. At tiwala po ang Pangulo sa mga ginagawa ng ICI,” ang sinabi ni Castro.
Habang tanggap naman ni Castro na limitado lamang ang kapangyarihan ng ICI, gaya ng kawalan ng contempt authority, sinabi niya na ang independent fact-finding body ay nananatiling epektibong nag-ooperate sa loob ng mandato nito.
“Wala silang contempt powers because, katulad ng sabihin natin, hindi ito ang purpose na isinagawa itong independent fact-finding commission, kundi mag-gather lamang ng documents, data, evidence na maitutulong kapag nais na isampa ang isang kaso sa DOJ (Department of Justice) o sa Ombudsman,” ang pahayag ni Castro.
“At marami na po ang nasampahan. Marami na rin po ang na-freeze na assets, so hindi po natin masasabi na walang naging pangil ang ICI,” dagdag na pahayag nito.
Tinugunan din ni Castro ang alalahanin ukol sa maaaring ma-duplicate ng panukalang IPC ang tungkulin ng Ombudsman. Sinabi ni Castro na inatasan na ni Pangulong Marcos ang mga mambabatas na suriing mabuti at maingat ang panukala.
“Nagbigay ng opinyon ang Pangulo na tignan lamang kung hindi magkakaroon ng duplication of work, especially with the Ombudsman, at hindi ma-weaponize ito sa pamumulitika. ‘Yun ang tignan natin at aaraling mabuti,” ang sinabi pa rin ni Castro. (KRIS JOSE)