Home TOP STORIES Lisensiya sa baril ng Culion mayor at misis, ipinakakansela matapos hatulan sa...

Lisensiya sa baril ng Culion mayor at misis, ipinakakansela matapos hatulan sa child abuse case

259
0

Culion, Palawan — Isang reklamo ang inihain para agarang bawiin ang mga lisensiya at rehistro ng mga baril ni Culion Mayor Cesar “Oyet” De Vera, ng kanyang misis na si Vice Mayor Ma. Virginia Nakachi De Vera, at ng kanilang mga bodyguard, matapos silang mahatulang guilty sa pag-atake sa isang menor de edad sa loob ng Culion Police Station noong 2018.

Sa sulat na may petsang Nobyembre 21, 2025 kay Philippine National Police–Firearms and Explosives Office (PNP-FEO) Chief PBGen. Ronald V. Gayo, hiniling ng nagreklamo, na siya ring menor de edad na biktima noon, na kanselahin ang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) ng mag-asawa sa ilalim ng Sec. 39 ng Republic Act (RA) 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Nakasaad sa batas na hindi maaaring magmay-ari ng baril ang sinumang nahatulan sa krimeng may moral turpitude o may parusang higit anim na taon.

Ang kahilingan ay ginawa matapos ang desisyon ng Palawan Regional Trial Court (RTC) Branch 163 noong Setyembre 8, 2025, kung saan napatunayang guilty beyond reasonable doubt ang mag-asawang De Vera sa paglabag sa Sec. 10(a) ng RA 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Natukoy ng RTC na sinampal, sinuntok, at hinila umano ng mag-asawa ang buhok ng biktima, na nagresulta sa pananakit at paglabag sa kanyang dignidad. Bawat isa sa kanila ay pinatawan ng maximum na parusang anim na taon at isang araw, kasama ng multa at pagbabayad ng civil damages.

Nakapagpiyansa ang mag-asawa at pansamantalang malaya habang dinidinig ang kanilang motion for reconsideration.

Batay sa salaysay ng biktima, na ngayon ay 20 taong gulang at isang Sangguniang Kabataan chairman, mismong ang mag-asawang De Vera ang pisikal na umatake sa kanya. Pinatibay rin ito ng mga saksi, na nagsabi pang may ilang pulis na kumilos batay sa utos ni Virginia De Vera, na noo’y alkalde.

Binalikan sa sumbong sa PNP-FEO ang natuklasan ng RTC na ginamit ni Cesar De Vera ang isang magazine ng baril sa pag-upak sa biktima.

Lumabas sa medical findings na may mga pasa ang biktima sa kaliwang tagiliran at batok, na tumutugma sa kanyang pahayag na inatake siya bago siya masuri ng doktor.

Nabanggit din na armado ang mga bodyguard ng mag-asawa.

Binigyang-diin sa reklamo na natutugunan ng guilty verdict laban sa mag-asawa ang dalawang legal na basehan para sa pag-revoke ng lisensiya at rehistro, at ito’y ang pagkakasangkot sa krimeng may moral turpitude at ang parusang higit anim na taon.

Dahil dito, iginiit na dapat bawiin ang LTOPF at firearm registrations nina Cesar “Oyet” De Vera, Ma. Virginia De Vera, at ng kanilang mga bodyguard o sinumang kasamahan nila na sangkot sa insidente. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here