Culion, Palawan — Isang reklamo ang inihain para agarang bawiin ang mga lisensiya at rehistro ng mga baril ni Culion Mayor Cesar “Oyet” De Vera, ng kanyang misis na si Vice Mayor Ma. Virginia Nakachi De Vera, at ng kanilang mga bodyguard, matapos silang mahatulang guilty sa pag-atake sa isang menor de edad sa loob ng Culion Police Station noong 2018.
Sa sulat na may petsang Nobyembre 21, 2025 kay Philippine National Police–Firearms and Explosives Office (PNP-FEO) Chief PBGen. Ronald V. Gayo, hiniling ng nagreklamo, na siya ring menor de edad na biktima noon, na kanselahin ang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) ng mag-asawa sa ilalim ng Sec. 39 ng Republic Act (RA) 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.







