Home NATIONWIDE UN anti-corruption treaty, gamitin para hulihin si Zaldy Co – Lacson

UN anti-corruption treaty, gamitin para hulihin si Zaldy Co – Lacson

269
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na maaaring gamitin ng pamahalaan ng Pilipinas ang isang kasunduang kontra-korupsiyon ng United Nations upang matunton at mahuli ang dating kongresistang si Elizaldy Co na kasalukuyang tinutugis ng batas.

Tinukoy ni Lacson ang United Nations Convention Against Corruption (UNCAC) na pinagtibay noong 2003 at inaprubahan ng Senado ng Pilipinas noong 2006. Isa itong legal na kasunduan na nilagdaan ng 192 bansa upang magtulungan laban sa korupsiyon.

Ayon kay Lacson, kung hihingi ng tulong ang Pilipinas sa ibang mga bansang lumagda sa UNCAC, mas mapapadali ang paghahanap at pag-aresto kay Co. Binanggit din niya ang Article 38 ng UNCAC, na nag-aatas ng kooperasyon ng mga bansa sa imbestigasyon at pag-usig ng mga krimen.

Sinabi niya na maaaring pag-aralan ng Ombudsman, Department of Justice (DOJ), at Department of Foreign Affairs (DFA) ang opsiyong ito. Dagdag pa niya, magsisilbi itong dagdag sa kahilingan ng Pilipinas sa Interpol na maglabas ng red notice laban kay Co, na kanselado na rin ang pasaporte.

Bilang chair ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Lacson na maaaring i-subpoena ng komite ang mga dokumentong nakuha ng NBI sa condominium ni Co upang makumpleto ang rekord ng imbestigasyon. Posible ring idaos sa 2026 ang susunod na pagdinig tungkol sa kontrobersiya sa mga flood control project.

Umaasa rin si Lacson na maipapasa ng Senado bago ang Christmas break ang panukalang batas na magtatatag ng Independent People’s Commission (IPC). Ayon sa kanya, hindi ito sasagasaan ang kapangyarihan ng Ombudsman dahil limitado lamang ito sa fact-finding at pangangalap ng ebidensiya, at walang kapangyarihang mag-usig.

Itinanggi rin ni Lacson na nawawalan ng moral ang Senado kahit may posibilidad na maaresto ang ilang mambabatas na sangkot umano sa isyu ng flood control projects. Aminado man siyang malungkot ang sitwasyon, iginiit niya na kailangang wakasan ang korupsiyon.

Dagdag pa niya, dobleng pinahihirapan ang mga Pilipino—una dahil sa korupsiyon sa mga flood control project, at ikalawa dahil sa umano’y pangingikil ng tiwaling mga tauhan ng BIR.

Diin ni Lacson, kailangang tumigil ang korupsiyon, at may mga taong hindi marunong tumigil sa maling gawain. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here