ANTIQUE, Philippines – Humihiling ang Munisipyo ng San Remigio ng suporta mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa pagtatayo ng Ecotourism Special Economic Zone (ESEZ) sa tatlong barangay ng bayan.
Nakipagpulong sina Mayor Margarito Mission Jr. at Municipal Environment and Natural Resources Office chief Ruth Martinez kay DENR Secretary Raphael Lotilla sa Quezon City upang ipanukala ang ESEZ. Ayon kay Martinez, ang tatlong barangay—Aningalan, Osorio II, at Bulan-bulan—ay tinuturing na mga “gateways” sa Sibalom Natural Park (SNP) at bahagi ng Central Panay Mountain Range. Ang Aningalan ay kilala bilang “Baguio of Panay” dahil sa malamig na klima.
Pumayag ang DENR na makipagtulungan sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA) para magbigay ng technical assistance sa pagtatayo ng ESEZ, habang ang PEZA naman ang mag-iimbita ng mga investor na magtatayo ng tourist amenities.
Ang lokal na pamahalaan ng San Remigio naman ang maghahanda ng land use plan at magpapanatili ng ESEZ. Ayon kay Martinez, makakakuha rin ng karagdagang kita ang LGU mula sa buwis kapag naitatag na ang ESEZ. RNT/MND