MANILA, Philippines – Hindi dumalo si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa unang araw ng bicameral conference committee meeting para sa 2026 national budget noong Sabado, Disyembre 13.
Ayon kay Senate Finance Committee Chair Sen. Sherwin Gatchalian, hindi nila makontak si Dela Rosa kahit ilang beses siyang tinawagan. Sinabi ni Gatchalian na alam ng staff ni Dela Rosa na may ongoing na bicam meeting.
Dagdag ni Gatchalian, nararapat na magpaliwanag si Dela Rosa at magpadala ng liham sa Senado, lalo na sa Senate President, upang ipaalam ang dahilan ng kanyang pagliban. Aniya, ito ang tamang paraan dahil may mga committee at subcommittee na hawak ang senador.
Si Dela Rosa ang nangangasiwa sa budget ng Department of National Defense at siya rin ang vice chair ng Senate Finance Committee.
Matatandaang hindi na rin siya dumadalo sa mga Senate plenary session mula pa noong Nobyembre 11.
Noong parehong araw, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may umano’y arrest warrant na inilabas ang International Criminal Court laban kay Dela Rosa kaugnay ng kanyang naging papel bilang PNP chief sa drug war ng administrasyong Duterte.
Hindi rin dumalo sa unang araw ng bicam meeting sina Sen. Camille Villar at Sen. JV Ejercito. Si Villar ay kakapanganak lamang noong Oktubre, habang si Ejercito ay kasalukuyang naka-confine sa ospital dahil sa hindi isiniwalat na kondisyon sa kalusugan. RNT/MND