MANILA, Philippines – Nasagip ang isang 26-anyos na Chinese national sa isang condominium sa Parañaque City matapos umanong ma-kidnap, ayon sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Linggo.
Ayon sa NCRPO, nagsagawa ng rescue operation ang mga awtoridad matapos makatanggap ng ulat sa PNP Hotline Facebook page.
Nakita ang biktima sa isang unit sa Barangay Don Galo noong Sabado kasama ang apat na lalaki at isang babaeng dayuhan na mga suspek.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na diumano’y dinetain ang biktima mula Disyembre 9 at humingi ang mga suspek ng P1 milyon bilang ransom para sa kanyang pagpapalaya. Ayon sa biktima, P500,000 na ang naibigay sa kanila.
Nasa kustodiya na ngayon ang mga suspek para sa tamang imbestigasyon.
Sinabi ni NCRPO regional director Police Major General Anthony Aberin: “Ipinapakita ng insidenteng ito kung gaano kahalaga ang agarang impormasyon para maiwasan ang paglala ng krimen. Nang maabot ang ulat sa aming mga yunit, agad na kumilos ang aming mga opisyal, sinuri ang sitwasyon, at tiniyak ang ligtas na pagsagip sa biktima.” RNT/MND