SA nalalantad na mga anomalya sa mga flood control project na nauuwi sa trahedya tuwing may malalakas na pag-ulan, lalong nagiging mahalaga ang papel ng mga ahensiyang dapat mag-imbestiga at managot ang mga may sala.
Kaya’t nararapat lamang na paimbestigahan ni Philippine National Police Acting Chief PLtGen Jose Melencio Nartatez Jr. ang umano’y pagkakasangkot ng ilang opisyal at miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group sa paglilinis ng pangalan ng mga lokal na opisyal na nadadawit sa tinaguriang flood control scam.
Kung totoo ang impormasyong naglalabasang may lagayan umanong naglalaro sa P10 milyon hanggang P20 milyon kapalit ng “paglilinis” ng mga pangalan, malinaw itong dagok hindi lamang sa taumbayan kundi sa kredibilidad ng buong PNP.
Ang pondong dapat sana’y ginamit upang pigilan ang pagbaha at iligtas ang buhay ng mamamayan ay nauwi sa bulsa ng iilan, at mas masahol pa, pinoprotektahan pa umano ng mga taong dapat nagtatanggol sa batas.
Mas nakababahala ang alegasyong hindi lang mga provincial at regional officer ng CIDG ang nasasangkot kundi pati na raw ang ilang nasa headquarters. Kung ganito kalawak ang sinasabing katiwalian, hindi na ito simpleng isyu ng iilang tiwaling indibidwal, kundi indikasyon ng sistematikong pagkabulok na kailangang putulin sa pinakaugat.
Hindi rin basta-basta maaaring balewalain ang mga pangyayaring kinasangkutan nang pagsuko sana ng ebidensiya laban sa ilang opisyal ng DPWH at mga politiko, kung saan umano’y naging hadlang pa ang presensya ng ilang miyembro ng CIDG. Ang ganitong mga insidente ay nagpapalakas ng hinalang ginagamit ang kapangyarihan hindi upang ilantad ang katotohanan, kundi upang itago ito.
Kung tunay ang hangarin ni Gen. Nartatez na linisin ang hanay ng PNP at alisin ang mga “anay” sa organisasyon, hindi maaaring palampasin ang mga alegasyong ito. Ang pananahimik o pag-iwas ay lalong sisira sa institusyon. Ang malinaw, patas, at walang kinikilingang imbestigasyon ang tanging paraan upang maibalik ang tiwala ng publiko at maipakitang may pag-asa pang ituwid ang sistemang matagal nang nilalason ng korapsyon.






