Home NATIONWIDE Sen. Bato, ‘di pa rin dumalo sa day 2 ng bicameral hearing

Sen. Bato, ‘di pa rin dumalo sa day 2 ng bicameral hearing

253
0

MANILA, Philippines – Hindi pa rin dumalo si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa ikalawang araw ng bicameral conference committee hearing para sa panukalang P6.793-trilyong national budget para sa 2026.

Hindi rin siya dumalo sa unang araw ng pagdinig, na kauna-unahang na-livestream online, kahit umaasa si Senate Finance Committee chair Sherwin Gatchalian na makakadalo ang senador.

Si Dela Rosa ay kabilang sa mga miyembro ng bicameral committee dahil siya ay vice chair ng Senate Finance Committee.

Mula pa noong unang bahagi ng Nobyembre, hindi na masyadong nakikita sa publiko si Dela Rosa matapos ihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na ang International Criminal Court (ICC) ay naglabas ng arrest warrant laban sa kanya kaugnay ng “war on drugs” ng administrasyong Duterte.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, palipat-lipat umano ng lugar si Dela Rosa at gumagamit ng iba’t ibang sasakyan sa tulong ng ilang kaibigan.

Sa loob ng huling tatlong linggo, namataan umano ang senador sa anim na magkakaibang lokasyon.

Samantala, sinabi ng abogado ng senador na si Israelito Torreon na iniiwasan muna ni Dela Rosa ang pagharap sa publiko dahil nanganganib umano ang kanyang personal na kaligtasan kaugnay ng ulat tungkol sa ICC arrest warrant.

Bukod kay Gatchalian, ang mga senador na dumalo sa hearing ay sina Loren Legarda, Francis Pangilinan, Erwin Tulfo, at Imee Marcos. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here