Home NATIONWIDE Chinese militia vessel, 22 ‘sampan’ tinaboy ng PCG malapit sa Kota Island

Chinese militia vessel, 22 ‘sampan’ tinaboy ng PCG malapit sa Kota Island

1
0

PALAWAN, Philippines – Itinaboy ng Philippine Coast Guard (PCG), katuwang ang Philippine Marines at Philippine Navy, ang Chinese Maritime Militia Vessel (CMMV) 9622 at 22 sampan nito mula sa karagatan ng Kota Island, Palawan noong Oktubre 9, 2026.

Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, namataan bandang alas-3 ng hapon ang mga sampan na umano’y ilegal na nangingisda at nagtatapon ng basura sa dagat, may 250 metro lamang mula sa dalampasigan.

Bandang alas-3:30 ng hapon, rumesponde ang pinagsanib na puwersa sakay ng dalawang rubber boat. Pinalibutan umano ng Chinese mothership ang mga tauhan ng PCG at sinenyasang umalis, ngunit ipinagpatuloy ng mga awtoridad ang operasyon.

Sa loob ng dalawang oras, isa-isang pinaalis ang mga sampan. Nagkaroon ng bahagyang banggaan nang tumangging umalis ang isa sa mga ito, ngunit walang nasaktan.

Pagsapit ng alas-5:30 ng hapon, naitaboy na ang lahat ng sasakyang pandagat hanggang 3.5 nautical miles mula sa isla at tuluyang umalis patungong hilagang-kanluran.

Ayon sa PCG, ikalawang beses na itong itinaboy ang CMMV 9622 sa parehong lugar. Una itong nangyari noong Setyembre 28, nang may kasama itong 24 na sampan.

Iginiit ng PCG na ang presensiya ng mga Chinese vessel sa layong 250 metro mula sa dalampasigan ay paglabag sa soberanya ng Pilipinas, international law, Philippine Fisheries Code at Maritime Zones Act. Ayon din dito, walang batayan ang pag-angkin ng China sa lugar.

Tiniyak ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na magpapatuloy ang pagbabantay sa Kalayaan Island Group alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na protektahan ang teritoryo ng bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here