SA nagaganap na bicameral conference committee meeting sa pondong ilalaan sa Department of Public Works and highways para sa taong 2026, lumalabas na bantayin pa rin ito sa kabila ng pagsabog ng nasa P1.2 trilyong anomalya rito, partikular sa flood control projects sa nakalipas na tatlong taon.
Bantayin dahil wala pa talagang nakatitiyak kung gaano kalaki talaga ang magiging badyet nito sa 2026 at lumilitaw sa mga talakayan na may mga nagkaroon pa rin ng mga insertion o pagkikikbakan ng mga mambabatas at taga-Palasyo.
Pinakamalaking palatandaan dito ang mga panukalang pondo gaya ng P881.31 bilyon na makikita sa National Expenditure Program, P624.48B na isinusulong ng Kamara at P570.48 lamang bilang resulta ng pagtapyas ng Senado.
Itong P881.31B ang pinagkaisahan ng DPWH at Palasyo na gustong pondo ng ahensya at pinagtatapyasan nang maliwanag ng Kamara at Senado ngunit pinakamalaki ang tapyas ng huli.
May laban din ang Kamara at Senado sa kung magkakaroon pa rin ng unprogrammed funds o wala na.
Kahit livestream o pinalalabas sa media ang miting ng bicam, mga brad, wala pa ring nakatitiyak sa kung magkano talaga ang pinal na pondo hangga’t hindi lumalabas ang 2026 General Appropriations Act o batas sa pambansang badyet.
Ito’y dahil posible pa ring panatilihin ng Palasyo ang sarili nitong panukala na P881.31B para “everybody” happy at ito naman ang iginigiit mismo ng DPWH.
Isa pa, walang nakatitiyak na magiging malinis at wala nang anomalya sa DPWH dahil kasali pa rin naman ito sa iba pang mga imprastraktura sa iba’t ibang ahensya, kasama ang Department of Education na may bilyon-bilyong pisong proyekto sa pagtatayo, pag-repair at iba pa ng mga eskwela.
Kaugnay nito, bakit kaya napakatahimik ang higit na nakararami sa Kamara sa ukol sa flood control scams, lalo na sa pagkakasangkot ng mga pinakamakapangyarihang kongresman at taga-Palasyo?






