ILOCOS SUR, Philippines – Kamatayan ang sinapit ng isang 58-anyos na lalaki matapos sumalpok ang minamaneho nitong motorsiklo sa nakasalubong na multi-purpose vehicle (MPV) sa national highway sa Brgy. Quinarayan, Narvacan ng lalawigang ito noong Biyernes, December 12.
Ayon sa pulisya, ang nasawi ay ang driver ng Euro motorcycle, residente ng naturang bayan.
Ang 43-anyos naman na driver ng MPV (Toyota Innova) ay residente ng Danglas, Abra.
Nabatid na bumabyahe papuntang timog ang Toyota Innova.
Pagdating nito sa pinangyarihan ng insidente, ang motorsiklo na papunta naman ng opposite direction ay biglang nag-overtake sa sinusundan nitong bus.
Dahil dito, nasakop ng motorsiklo ang kabilang lane na nagresulta sa banggaan nila ng Toyota innova.
Nagtamo ng head injury at mga sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan ang driver ng motorsiklo samantalang ang driver ng Toyota Innova ay nagtamo naman ng minor injuries.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang driver ng motorsiklo. ROLANDO S. GAMOSO