MANILA, Philippines – Ipinagtanggol ni Senador Win Gatchalian ang desisyon ng Senado na bawasan ang ilang proyekto sa iminungkahing 2026 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kabilang ang pagbabawas sa Construction Materials Price Data (CMPD).
Sa ikalawang araw ng Bicameral Conference noong Linggo, Disyembre 14, 2025, ipinaliwanag ni Gatchalian na ang adjustment factor na ginamit sa pagtukoy ng umano’y overpriced na items sa budget ay nagmula mismo sa DPWH at sinang-ayunan lamang ng Senado.
Ayon kay Gatchalian, layunin ng Senado na iayon ang badyet sa mas mababang presyo ng materyales, lalo na sa panahong maraming Pilipino ang nag-aalala sa problema ng pagbaha at sa isyu ng overpricing ng mga proyekto. Aniya, ibinaba ng Senado ang mga presyo upang makatipid ang gobyerno at maiwasan ang pag-apruba ng mga proyektong may sobra-sobrang presyo.
Nilinaw rin niya na suportado ng Senado ang pagpapatupad ng mga proyekto ng DPWH at nais nilang matuloy ang mga ito, ngunit hindi nila papayagan ang mga proyektong may presyong hindi makatarungan o sobra sa dapat.
Samantala, sinabi ni Public Works Secretary Vince Dizon na hihilingin nila sa Senado na ibalik ang mga ibinawas na pondo. Ayon sa kanya, ang kahilingang ito ay ipinaabot sa pamamagitan ng liham na ipinadala sa Kongreso noong Sabado. Cesar Morales