MANILA, Philippines – Naniniwala si House Prosecution Panel Adviser at dating Surigao Rep. Ace Barbers na nagsasayang lamang diumano ng oras at resources ang depensa dahil sa presentasyon ng mga dokumento at testigo na walang kinalaman sa aniya’y natukoy na P817 milyong hindi maipaliwanag na yaman ng mag-asawang Atty. Mans Carpio at Vice President Sara Duterte.
“Walang kinalaman o kaugnayan sa tunay na isyu ang mga testimonya at dokumentong inihahain ng mga saksi ng depensa. The question is simple: Can they explain where the P817 million came from? Instead of answering that question, they are taking the proceedings on a detour.”
Giit pa ni Barbers na kailangang mabali ng depensa ang mga alegasyon at mapawalang bisa ang mga naipresentang transaksyong pang-pinansyal, deklaradong mga kita at assets gayundin sa mga posibleng kamalian sa umano’y financial disclosures ng pangalawang pangulo.
Hindi aniya interesado ang publiko sa mahahahabang testimonya, mga umano’y walang kaugnayang naratibo o dokumento sa pagsasabing, “what the Filipino people deserve are clear, credible and verifiable explanations backed by documentary evidence.”
“Hindi ito paligsahan kung sino ang maraming dalang dokumento o kung sino ang pinakamahabang magsasalita. Ang mahalaga ay kung masasagot ba nila ang mga seryosong tanong tungkol sa pinagmulan ng yaman ng Bise Presidente.”
Muling hinamon ni Barbers ang depensa na itigil na ang umano’y paglilihis sa isyu o alegasyon at sa halip ay mag-presenta ng mga testigo na may kaalaman sa financial records at transaksyon ni VP Sara.
“Hindi sapat na magpresenta lamang ng mga saksi at tambak na dokumento. Ang dapat nilang gawin ay sagutin ang mga alegasyon, linawin ang mga numero at ipaliwanag kung saan nanggaling ang yaman na pinag-uusapan. The public deserves answers, not distractions,” ayon kay Barbers. Meliza Maluntag