MANILA, Philippines- Isinusulong ni Senador Bam Aquino na madagdagan ng P6.3 bilyon ang 2027 national budget para maisama sa School-Based Feeding Program ang tinatayang 1.8 milyong Grade 2 students.
Ayon kay Aquino, ang tanging napondohan lang sa 2027 national budget ay universal feeding program para sa Kindergarten at Grade 1 public school students sa susunod na school year.
“Kulang pa ang pondo para sa Libreng Pagkain sa Paaralan. Sa kasalukuyan po, Kinder at Grade 1 ang mabibigyan ng libreng pagkain sa paaralan sa current school year at sa susunod na school year. Malaking tulong po ito sa kanilang nutrisyon,” wika ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
“Para masama natin ang 1.8 milyong Grade 2 students sa Libreng Pagkain sa Paaralan sa susunod na school year, kailangan natin ng dagdag na P6.3 bilyon sa 2027 national budget,” he added.
Ayon kay Aquino, nakikipagtulungan ang kanyang tanggapan sa mga opisina nina Senador Kiko Pangilinan at Ping Lacson, EDCOM 2, at non-government organizations tulad ng People’s Budget Coalition para tukuyin ang posibleng pagkukunan ng kailangang pondo.
“At the right time, during the period of amendments, inaasahan po natin na gaya po ng pagbuo ng batas na ito, magsasama-sama tayo muli para magtulungan, para mapondohan ang napakahalagang batas na ito at makita po natin ang National Children’s Nutrition Program na nakapondo nang tama,” wika niya.
Kasabay nito, niratipikahan ng Senado noong Lunes ang bicameral conference committee report ng Senate Bill No. 2272, o National Children’s Nutrition Act, na minamandato ang pagbibigay ng libre at masustansiyang pagkain sa lahat ng public school students mula Kindergarten hanggang Grade 3.
Nagpasalamat si Aquino sa mga kapwa mambabatas, mga ahensiya ng pamahalaan, at education advocates sa pagsusulong ng pag-apruba ng Senate Bill No. 2272, kung saan siya ang principal sponsor at co-author.
Tinukoy niya ang mga kapwa miyembro ng bicameral conference committee na sina Senador Pia Cayetano, Joel Villanueva, at Camille Villar, EDCOM 2 at co-chairpersons, Senate President Win Gatchalian and Senators Alan Peter Cayetano and Loren Legarda.
Kinilala rin niya si Senador Kiko Pangilinan sa pagsusulong nito ng probisyon na sumusuporta sa mga magsasaka.
“Kapag busog at malusog ang ating mga anak, mas handa silang matuto. Ganito po natin sabay na tinutugunan ang malnutrisyon at ang learning gap ng ating mga kabataan,” ani Aquino.
Kapag niratipikahan ng House of Representatives ang bicam report, ipadadala na ang panukala sa Malacañang para sa pirma ng Pangulo.
“Itinuturing itong pinakamahalagang panukala na maipapasa natin ukol sa edukasyon. Malaking hakbang ito sa pagtugon sa malnutrition at krisis sa edukasyon. Mas madaling matuto ang ating mga anak kapag may laman ang kanilang mga sikmura at nabibigyan ng tamang nutrisyon habang nag-aaral,” paliwanag ni Aquino.
“Malaking ginhawa rin ito para sa mga magulang na araw-araw na nagsisikap para mapag-aral ang kanilang mga anak at may maihaing pagkain sa mesa. Malaking kabawasan sa kanilang alalahanin at gastusin kapag may libre at masustansyang pagkain ang mga bata sa paaralan,” dagdag pa niya. Ernie Reyes