MANILA, Philippines – Nangako si Transportation Secretary Vince Dizon nitong Lunes, Nobyembre 23 sa transport group na MANIBELA na ang mga sinibak na tauhan ng Land Transportation Office (LTO) na sangkot sa katiwalian ay hindi na papayagang makabalik sa ahensya.
Matatandaan na nagtipon sa labas ng LTO Central office ang mga miyembro ng MANIBELA para iprotesta ang planong pagpalit kay LTO Assistant Secretary Marcus Lacanilao.
Nagpahayag ng pangamba ang grupo sa posibleng pagpalit kay Lacanilao na maaaring magdulot para maibalik ang mga tauhang sangkot sa korapsyon.
Sa pagpupulong kasama si Dizon, siniguro nito na ang mga tiwaling tauhan ng LTO ay hindi na maibabalik sa pwesto.
“Over my dead body,” sinabi ni Dizon.
Sa kabila nito, hindi naman kinumpirma ni Dizon kung mananatili si Lacanilao bilang LTO chief dahil ang desisyon ay nakabatay pa rin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nagpasalamat naman si Lacanilao sa MANIBELA sa suporta nito. RNT/JGC