MANILA, Philippines – Kinalampag ng grupo ng mga health workers at nursing students ang tanggapan ng Department of Health (DOH) para ipanawagan ang pagbibitiw ni Health secretary Dr. Teodoro Herbosa.
Giit ng grupo, nabigo si Herbosa sa kanyang mandato na protektahan ang kalusugan ng mamamayan.
Ayon sa Health Alliance Democracy, ang krisis sa kalusugan sa bansa ay lalong lumala sa ilalim ng pamumuno ni Herbosa dahilan sa kawalan ng kakayahan at matinding korapsyon.
Ayon pa sa grupo, dapat managot si Herbosa sa umano’y korapsyon sa DOH tulad sa DPWH scandal.
Kaugnay ito sa pananahimik ng kalihim sa pag-gamit ng P60 bilyon sa kabila ng malawakang panawagan ng transparency at accountability.
Si Herbosa ay siyang concurrent Chairperson ng PhilHealth Board of Directors na sadya umanong pinahintulutan ang pandarambong sa mga pondong pangkalusugan ng mga tao sa pamamagitan ng pagpayag na ilipat ang P89.9 bilyong “excess” na pondo sa National Treasury.
Ang nasabing pondo ay hindi umano ‘excess’ kundi resulta ng underspending ng PhilHealth upang palawakin ang benefit packages at mabawasan ang out-of-pocket spending ng mga pasyente.
Sa bicameral conference meeting noong Disyembre 13, iniulat ng mga mambabatas na nabigo si Herbosa na iulat ang aktwal na estado ng pagpopondo ng super health centers sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) sa 2026 national budget. Jocelyn Tabangcura-Domenden








