Home NATIONWIDE Grupo ng TNVS drivers umalma sa utos na pagpapanagot sa mga drayber...

Grupo ng TNVS drivers umalma sa utos na pagpapanagot sa mga drayber na magkakansela ng booking

293
0

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagtutol ang grupo ng mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers sa pinakabagong kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na panagutin ang mga drayber na magkakansela ng booking nang walang katanggap-tanggap na dahilan.

Sa panayam, sinabi ni Laban TNVS president Leonardo “Jun” de Leon na ang mga transport network company (TNCs) ay nagpapataw na ng mahigpit na penalty sa mga drayber na magkakansela ng booking nang walang sapat na dahilan.

“Tutol po tayo sa memorandum circular na inilabas ng LTFRB patungkol po diyan sa issue na ’yan dahil po sa transport network companies ay mabigat na ang multa o parusa ng TNC sa ating mga TNVS drivers kapag kami po ay nagka-cancel,” ani de Leon.

Sinabi pa niya na ang mga drayber ay kadalasang nagkakansela ng booking nang may sapat na dahilan at ang habitual cancellations ay magreresulta talaga sa pagka-ban ng mga ito sa booking platform.

Kamakailan ay sinabi ni LTFRB Chairman Vigor Mendoza II na nag-isyu sila ng memorandum bilang tugon sa mga reklamo ng “rampant booking cancellations in areas with traffic congestion, and in anticipation of the same modus during the holiday season.”

Sinasabi sa LTFRB Memorandum Circular 2025-055 na ang booking cancellations na ginawa ng TNVS drivers ay pasok sa violation sa ilalim ng “Refusal to Convey Passengers,” na may karampatang parusa sa ilalim ng Section IV.2 ng Joint Administrative Order 2014-01.

Samantala, umapela naman si De Leon sa publiko na unawain kung ang mga drayber ay nagkakansela ng booking lalo na sa matinding traffic tuwing holiday season.

“Sana maintindihan din po nila kung bakit ito naka-cancel dahil baka sila rin po ay maabala. Lalo po silang magagalit kapag matagal po ang pick-up.” RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here