Home OPINION PAGBABANTAY VS PORK BARREL, PAANO?

PAGBABANTAY VS PORK BARREL, PAANO?

250
0

HINDI dapat tumigil ang mga opisyal ng gobyerno sa pagbabantay laban sa katiwalian sa pamahalaan, kahit natapos na ang pirmahan sa bicameral conference committee sa Kongreso para sa 2026 panukalang pambansang badyet.

Ito’y dahil hindi dito natatapos ang katiwalian.Magaganap at magaganap ang katiwalian sa pagrebyu mismo ni Pangulong Bongbong Marcos sa pinal na panukalang badyet bago siya pipirma.

Tiyak na may magbubulong pa rin sa kanya kung ano-ano ang kanyang mga aaprubahan gaya ng orig na panukala mismo ng Palasyo o amyenda na gawa ng bicam na aaprubahan nang hiwalay ng Kamara at Senado sa plenaryo.

Pwede ring magkakaroon ng mga katiwalian mismo sa paglalabas o hindi paglalabas ng mga pondo gaya ng ipinunto ni Senator Pia Cayetano.Halimbawa, may mga hindi ipinalabas na pondo para sa PhilHealth kahit may pondo para rito.

Katiwalian pa rin ang hindi paglalabas ng pondo, lalo na kung gamitin ito sa ibang mga proyekto.Alalahaning may kapangyarihan ang Pangulo mismo para ire-align o baguhin ang paggagamitan ng pondo.

Kaya naman, ang pagbabantay ay pupwede pa rin sa paglabas ng 2026 General Appropriations Act o pambansang badyet.Nasa anyo ng bilyon-bilyong pork barrel ang katiwalian at hindi talaga tumitigil ang mga gustong kumikbak nang kumikbak kahit may mga imbestigasyon at pagkakaso sa mga sangkot dito.

Hindi sila natatakot, lalo’t hindi naman nagagalaw sa imbestigasyon at lalong hindi nasasampahan ng kaso ang mga hari-hari sa katiwalian.

At kung may magagalaw man, maliliit lamang at hindi makapangyarihan at turing sa mga ito na konswelo-de-bobo para sa mga mamamayang naghahanap ng pananagutan sa trilyong pisong anomalya, particular sa flood control projects.

Para sa mga mambabatas, naririyan ang kapangyarihan nilang tumingin kung tama ang implementasyon ng mga proyektong pinondohan pero wala ito sa mamamayan.Ngayon, paano kaya magkaroon ng kapangyarihang makialam ang madlang pipol para sa maayos na pamamahala at paggamit ng salaping bayan sa tamang oras at hindi ‘yung matapos na naibulsa na ng mga korap ito?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here